PatrolPH

Vlogger arestado sa Baguio dahil sa cyberlibel

Michael Delizo at Jeffrey Hernaez, ABS-CBN News

Posted at Jun 27 2021 01:54 PM | Updated as of Jun 27 2021 10:59 PM

Vlogger arestado sa Baguio dahil sa cyberlibel 1


MAYNILA (UPDATE) — Inaresto sa Baguio City ng pinagsamang pwersa ng Manila Police District at Baguio City Police ang kontrobersiyal na pro-Duterte vlogger na si Niño Barzaga dahil sa kasong cyberlibel.

Ayon sa Manila Police District (MPD), nangyari ang pag-aresto noong June 23 sa isang bahay sa Brgy. Lourdes Ext., Baguio City, sa bisa ng arrest warrant na ipinalabas ni Judge Trese Wenceslao ng Cabanatuan RTC Branch 28 para sa 3 kaso ng libel noong 2018.

Sa video na inilabas ni Police Lt. Col. Rosalino Ibay Jr. ng MPD Special Mayor's Action Team, mapapanood na inamin ni Barzaga na inatasan siya para siraan si Manila Mayor Francisco "Isko Moreno" Domagoso.

Isa sa mga pinakahuling naging paksa ni Barzaga sa kaniyang vlog noong June 4 si Moreno kung saan sinabihan niya na mayabang, hambog, at basura ang alkalde.

Nagpalabas din si Barzaga ng isang music video sa naturang blog na kontra kay Moreno.

Ngunit sa isang video matapos ang pag-aresto, inamin ni Barzaga na napag-utusan lang siya para siraan si Moreno.

Watch more on iWantTFC

Tinawagan pa nito ang nagsu-supply umano sa kanya ng mga tarpaulin at mga impormasyon para sa mga sunod na babanatan sa kanyang vlog.

Kilala bilang "Boy Mura," ilan pa sa mga binanatan ni Barzaga gamit ang maaanghang na pananalita ay sina Raffy Tulfo, Gabriela Representative Arlene Brosas at Sen. Manny Pacquiao.

Binanatan ni Barzaga si Pacquiao sa plano umano nitong tumakbo sa pagkapangulo, pero hindi direktang inamin ng vlogger kung naatasan din siya para banatan ang senador.

Inireklamo naman ni Brosas si Barzaga dahil sa umano'y "emotional at sexual harassment" na ginawa nito sa kanya. Nagpanggap umano bilang si Bishop Teodoro Bacani kay Brosas sa telepono, at bigla na lang pinagmumura nito ang mambabatas.

"What he did to me is not a mere practical joke, but emotional and sexual harassment. This is a serious criminal offense and we will file a formal case soon," sabi ni Brosas sa isang video na pinost nya sa Facebook account ng Gabriela.

Pati ang kolumnistang si Ellen Tordesillas ay naging biktima ni Barzaga, na nagpanggap din bilang si Bishop Bacani. 

Hindi pa malinaw kung nasa kustodiya ng Baguio City Police si Barzaga o inilipat na sa MPD.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.