'Wala kaming violation': Pag-aresto sa mga aktibista sa Pride protest kinondena | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Wala kaming violation': Pag-aresto sa mga aktibista sa Pride protest kinondena

'Wala kaming violation': Pag-aresto sa mga aktibista sa Pride protest kinondena

Jervis Manahan,

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 26, 2020 09:27 PM PHT

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA — Inaresto ng mga pulis ang 20 miyembro at kaalyado ng LGBTQIA+ community nitong Biyernes sa Mendiola habang nagsasagawa sila ng mapayapa at may distansiyang protesta kasabay ng paggunita sa Pride month ngayong Hunyo.

Marahas ang naging tugon ng mga pulis sa isa sanang makulay at mapayapang Pride march ng grupong Bahaghari sa Mendiola sa Maynila.

Tuwing Hunyo kasi ay ginugunita ng buong mundo ang Pride month, kung saan patuloy na inilalaban ng LGBTQIA+ community ang pantay na karapatan at pagtingin sa lipunan.

Kaya naman sa harap ng pandemya ay nagmartsa pa rin ang grupong Bahaghari.

ADVERTISEMENT

Payapa naman ang pagtitipon, nakasuot lahat ng mask at inobserbahan ang physical distancing.

Bitbit nila ang mga rainbow flag, na simbolo sa lahat ng mga ipinaglalaban ng kanilang komunidad.

Pero ang maayos sanang protesta, nauwi sa gulo nang dumating ang pulisya.

Sapilitan at marahas ang pagdakip sa kanila at pagsasakay sa police mobile.

Nasa 20 ang inaresto at nasugatan ang iba sa mga hinuli.

Hinayjack pa umano ng mga pulis ang sasakyan ng mga sumama sa protesta para dalhin sa presinto.

Giit ng mga pulis, lumalabag sa physical distancing ang mga sumama sa rally, kahit na malinaw naman sa video na sumusunod sila sa protocol.

"Maayos sila kinakausap then parang may isang nag-instigate na isang miyembro na nag-rally na parang inispray sa kanila at dun na nagsimula ang commotion," sabi ni Police Lt. Col. Carlo Manuel, public information officer ng Manila Police District.

Wala rin umanong permit ang mga nag-rally at mga taga-Bahaghari umano ang nagsimula ng tensyon, bagay na kanila namang itinanggi.

"Walang violation na na-incur ang aming programa, may social distancing po, mapayapa ang programa. Nagkagulo nang pumasok ang kapulisan at hinuhuli kami at puwerasahan po kami dinampot," ani Rey Valmores-Salinas, tagapagsalita ng Bahaghari.

Sa katunayan, ilegal umano ang naging pag-aresto sa kanila dahil nasa Konstitusyon na may karapatan ang sinuman na maglabas ng hinaing.

Kinondena ng mga LGBT groups at mga mambabatas ang ginawa ng pulisya lalo na't lumabas sa mga video na ang mga pulis ang lumabag sa physical distancing at nagpagulo sa sitwasyon.

"Nakakabahala na kahit mismo sa Pride Month ay inaresto ang mga LGBTQ+ at allies na mahinahon, mapayapa, at naka-social distancing na nananawagan para sa kanilang mga karapatan... Sa totoo lang, mas na-violate pa ang social distancing dahil sa pag-aresto," ayon kay Sen. Risa Hontiveros.

"We vehemently condemn the violent dispersal and illegal arrest of 20 protestors at today's peaceful but militant Pride March led by Bahaghari, this despite practicing social-distancing. The police even hijacked vehicles of the protesters and brought them to the Manila Police District," ayon sa mambabatas na si France Castro ng ACT Teachers party-list.

"Hindi makatarungan ang pag-arestong ito at idinidiin ng Metro Manila Pride ang pagkondena sa karahasan ng militar at kapulisan, lalo na sa mga marhinalisadong komunidad at aktibista," ayon sa grupong Metro Manila Pride.

Ang Pride ay protesta na nagmula sa Stonewall riots kung saan radikal ang naging paraan ng paglaban ng LGBT community para mapakinggan ang kanilang mga boses.

—May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.