Cagsawa Ruins sa Albay bukas na sa publiko

Jose Carretero, ABS-CBN News

Posted at Jun 23 2020 04:15 PM | Updated as of Jun 23 2020 05:58 PM

Muling binuksan ang Cagsawa Ruins sa Daraga sa Albay matapos ang halos 3 buwang pagkakasara bunsod ng COVID-19 pandemic. Jose Carretero, ABS-CBN News

Binuksan na sa publiko ang landmark na Cagsawa Ruins sa bayan ng Daraga sa Albay matapos ang halos 3 buwang pagsasara nito dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19). 

Wala pang turista Martes ng umaga pero handang-handa na ang pasyalan. May foot bath sa gate, may kumukuha ng temperatura, may hugasan ng kamay at kailangang sumulat sa logbook ang mga bisita. 

Limitado rin muna ang papapasukin sa Cagsawa Ruins para may physical distancing habang bukas lang ito simula alas-6 ng umaga hanggang 5 ng hapon. 

Ayon sa officer-in-charge ng Cagsawa na si Tin Armero, mababa sa 100 lang ang papayagan nila sa loob. Ang ibang turistang sosobra sa bilang ay maghihintay muna sa labas. 

“Less than a hundred, basta may lumabas, may papasok,” sabi ni Armero. 

Ang pinuno ng Cagsawa Business Organization na si Cesar Lingcaso masaya sa muling pagbubukas ng ruins sa bisita lalo’t marami ang nawalang kita nila mula nang isara ito. 

“Halos 3 to 4 months kaming naghintay na makabalik kami sa normal, na bawat isa magkaroon na rin ng pagbubukas ng negosyo so napakasaya namin,” sabi ni Lingcaso. 

Bukas na ang ibang mga tindahan ng pasalubong sa loob at labas ng Cagsawa. Karamihan sa mga stall sarado pa pero inaasahang magbubukas na rin sa Miyerkoles. 

Ang may ari ng garden malapit sa ruins na si Roberto Nugpo naghahanda na rin sa pagbubukas nila. Isa siya sa mga umapaw ang kasiyahan nang makitang nagbukas na ang gate ng Cagsawa. 

Pagpapa-picture sa iba’t ibang lokal na bulaklak habang background ang Bulkang Mayon ang dinarayo sa garden. Mayroon ding fish feeding dito. 

“Totally talaga noong lockdown wala, hirap talaga, walang kabuhayan 'yung mga tao, at least kung baga sa ano nakita na natin ang anino ng konti,” sabi ni Nugpo. 

Pati ang mga all-terrain vehicle o ATV operator masaya sa pagbubukas ng Cagsawa sa publiko dahil makapagsisimula na rin sila. 

Ayon kay Kim Maceda, assistant site manager ng isa ATV operator sa Cagsawa, masaya na sila na puwede na muling tumanggap ng mga bisita. 

“Masaya pong mag-operate 'yung mga ATV operators dito sa Cagsawa dahil kahit papaano kumbaga makabawi na 'yung nasayang na opportunity natin nitong summer na sana peak season namin,” sabi ni Maceda. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.