Mag-amang naglalako ng saging, patay sa hit-and-run

Meneil Lopez, ABS-CBN News

Posted at Jun 20 2018 11:28 AM

Patay ang isang lalaki at ang kaniyang 6-taong gulang na anak matapos mabangga ng kotse ang kanilang padyak habang naglalako ng saging sa Barangay Mandalagan sa Bacolod City, Hunyo 19, 2018.

BACOLOD CITY – Patay ang isang lalaki at ang kaniyang 6-taong gulang na anak matapos mabangga ng kotse ang sinasakyan nilang padyak sa Buri Road, Barangay Mandalagan, Miyerkoles ng umaga.

Naglalako ng saging si Dante Lasconia, kasama ang kaniyang anak, nang mabangga sila ng kotse na minamaneho ng isang babae, ayon sa nakakita sa aksidente.

Ayon sa mga saksi, huminto ang driver nang ilang segundo pero tuluyan din tumakas.

Samantala, natunton na ng pulisya ang sasakyang nakabangga sa mag-ama. Iniwan ng driver ang kotse sa labas ng bahay ng kaniyang kapatid.

Hindi muna pinangalanan ng pulisya ang driver na hindi na nila naabutan pa sa lugar.

Patuloy na pinaghahanap ng awtoridad ang driver para papanagutin sa pagkamatay ng mag-amang biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.