Pagkain, hiling para sa naipit sa bakbakan; 'dignity kit', bigay sa mga 'bakwit' | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagkain, hiling para sa naipit sa bakbakan; 'dignity kit', bigay sa mga 'bakwit'

Pagkain, hiling para sa naipit sa bakbakan; 'dignity kit', bigay sa mga 'bakwit'

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 19, 2017 11:59 PM PHT

Clipboard

Umaapela na sa gobyerno at sa Maute ang grupong 'The Ranao Rescue Team' para hayaang makapasok sa Marawi ang pagkaing ipamamahagi sa mga sibilyang naiipit pa rin sa karahasan.

Ayon sa pinuno ng rescue team na si Samira Gutoc, kalunos-lunos na ang lagay ng mga residenteng hindi makalabas ng lungsod. Dahon at mga karton na umano ang kinakain nila para lang mabuhay. Doble dagok dahil Ramadan ngayon na panahon ng pag-aayuno, pero sa mga oras na puwedeng kumain ang mga Muslim, wala silang makain sa Marawi.

Dagdag pa ni Gutoc, hindi epektibo ang batas militar na layon sanang maging ligtas at mabilis ang relief operations.

Ang nangyayari raw kasi, kulang ang mga tauhan ng pamahalaan na nakatoka para tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamahagi ng tulong. Bukod diyan, pagkahigpit-higpit din ng sistema para makapamahagi ng tulong. Ilang pirma raw ang kailangang makuha bago sila magka-permit sa relief operations.

ADVERTISEMENT

Sana rin aniya, tumigil na ang air strikes ng tropa ng gobyerno at tutukan na lang ang ‘ground offensive’ kontra Maute.

Ipinagtanggol naman ni Philippine National Police chief Director General Ronald “Bato” Dela Rosa ang batas militar.

Giit ng hepe ng PNP, susi ang batas militar sa Mindanao para madakip agad ang mga itinuturong miyembro ng teroristang grupo.

“Ngayon, napakadaling mag-issue ng arrest warrant against doon sa mga alam nating miyembro ng Maute. So iyan, may basis tayo under martial law na puwede natin silang hulihin. Napakadali pong gawin natin iyan,” ani Dela Rosa. “Nakakatulong po iyong martial law talaga dahil you can just imagine, iyong mga sumibat na wounded na Maute members, na-intercept pa natin hanggang Iloilo.”

DOH medical mission, nakarating na sa mga ‘bakwit’

Sa kauna-unahang pagkakataon naman mula nang magsimula ang bakbakan, narating na ng medical mission ng Department of Health (DOH) ang mga ‘bakwit’ o ang mga residenteng lumikas sa karatig bayan ng Marawi.

Mahigit 600 evacuees sa bayan ng Bacolod Kalawi ang nabigyan ng serbisyong medikal ng DOH. Libreng nakapagpatingin sa mga doctor ang mga bakwit. Napabakunahan din ang ilang paslit.

Bukod sa health services, namigay din ang DOH ng mga lalagyan ng inuming tubig, timba, at mga "dignity kit" na may lamang malong, napkin, alcohol, underwear at iba pang gamit para sa mga babae.

Sa tala ng DOH at Department of Social Welfare and Development (DSWD), mahigit 320,000 na bakwit, o halos 66,000 pamilyang lumikas ang nasa Lanao del Sur at Lanao del Norte.

Tinatayang 80% sa bilang na iyan, o nasa 256,000 bakwit ang nakikituloy sa mga kaanak. Aabot sa 64,000 naman ang nasa loob ng evacuation centers.

Naging hamon sa DOH at DSWD na ma-locate at masigurong napupunta sa tamang tao ang mga tulong at hindi ito nadodoble.

Pinuntahan din ng DOH ang mga bayan ng Tugaya at Balindong para magbigay ng tulong.

-- May ulat nina Henry Atuelan at Kori Quintos, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.