Pagbabalik ng in-person classes nakatulong sa mga bata: ilang magulang, guro | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Pagbabalik ng in-person classes nakatulong sa mga bata: ilang magulang, guro

Pagbabalik ng in-person classes nakatulong sa mga bata: ilang magulang, guro

ABS-CBN News

 | 

Updated Jun 16, 2022 08:01 PM PHT

Clipboard

 Tinutulungan ni Lucena Alicarte ang kaniyang mga anak at apo sa kanilang pag-aaral sa bahay. Anjo Bagaoian, ABS-CBN News
Tinutulungan ni Lucena Alicarte ang kaniyang mga anak at apo sa kanilang pag-aaral sa bahay. Anjo Bagaoian, ABS-CBN News

Pinursige ni Lucena Alicarte na mai-enroll sa remedial classes ang anak at apo na nasa Grade 1 at 2.

Hanggang ngayon kasi, hindi pa umano sila marunong mabasa at hindi rin niya matutukan ang pag-aaral ng mga ito sa bahay dahil kailangan niyang magtrabaho sa labas bilang sales agent.

"Mas matimbang sa akin siyempre na matuto sila kasi ‘yon na nga, dahil hindi ko sila natututukan dito sa bahay... medyo sabi ng teacher nakakabasa na sila," ani Alicarte sa panayam ng ABS-CBN News.

Dalawang linggo nang dumadalo ng face-to-face classes sa Quezon City ang Grade 3 student na si Krizzia at pansin ng nanay niyang si Helen Otibar ang pagkakaiba kompara sa nakaraang taon ng remote learning.

ADVERTISEMENT

"One week na wala silang pasok, sasabihin na 'Ma, mamaya na ako sasagot ng module.' Samantala 'pag nasa school, 'pag dadating dito, may mga sinulat siya, may ginawa siya sa school. E 'pag andito siya sa bahay wala siya totally ginagawa," ani Helen.

"Kaya nakakatuwa na mag-face-to-face, sana magtuloy-tuloy na, para hindi na mahirapan 'yong mga magulang," dagdag niya.

Aminado naman si Krizzia na mas mabilis siyang matuto ngayong harap-harapan na ang pagtuturo. Dati kasi, hanggang 1 oras lang din ang online session na makakausap nila ang guro.

"Masaya po na kasama mo 'yong mga friends mo. Tapos nakikita mo 'yong teacher mo," ani Krizzia.

Natuklasan din ng gurong si Weng Peñalosa na hindi rin natuto ang maraming bata sa remote learning.

"'Pag nagpapasahan ba, ang ganda, tapos perfect. Noong nag-limited face-to-face kami, na-ano namin na, hala, iba 'yong sulat ng bata doon sa pinapasa niya at sa ngayong ginawa niya. So na-ano namin na hindi si bata ang gumagawa," ani Peñalosa, na nagtuturo sa isang elementary school sa Quezon City.

Ongoing ang literacy assessment ng paaralang pinapasukan ni Peñalosa para malaman ang kakayahan ng mga estudyante na magbasa at gumamit ng numero. Ito'y para mapaghandaan din kung paano sila matututukan sa balik-pasukan sa Agosto.

Tinutukan naman ng Department of Education (DepEd) na mapalawak ang face-to-face classes sa susunod na school year.

Sa ulat noong Mayo 26, 34,238 pampubliko at pribadong paaralan na ang nominado para sa face-to-face classes.

Ayon sa DepEd, pinakamakikinabang sa face-to-face classes ang mga batang nasa mababang antas.

"We're targeting 100 percent of our schools," sabi kamakailan ni Education Undersecretary Tonisito Umali.

Watch more News on iWantTFC

Sabik na si Jayson Magan, guro mula Looc, Occidental Mindoro, na muling makapiling ang mga estudyante niya.

Noong nakaraang taon, ginawan pa ni Magan ng standee ang mga estudyanteng nasa kindergarten para tila makasama niya ang mga ito sa classroom.

Puspusan ngayon ang paghahanda sa paaralang pinagtatrabahuhan ni Magan para sa pagbabalik ng face-to-face classes, pero may mga hamon aniya dito, gaya ng kakulangan sa pondo.

"‘Di naman po sapat ‘yong MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses) na binibigay po ng government per school po. So naghahanap pa rin po kami ng mga sponsors doon para matulungan," ani Magan.

Sa assessment naman na isinagawa ng Movement for Safe, Equitable Quality and Relevant (SEQuRe) Education Movement sa unang 6 na buwan ng limited face-to-face classes, nalamang maraming guro ang naglabas ng sariling pera para sa balik-eskuwela.

Kaya tingin umano ng grupo na dapat magbigay ng sapat na pondo ang pamahalaan para sa balik-paaralan at maging sa mga gamit sa patuloy na distance learning.

Para sa Alliance of Concerned Teachers (ACT), dapat ding kumuha na ng dagdag na tauhan sa mga paaralan gaya ng nurse at utility personnel.

Ito'y para hindi na anila nakaatang sa mga guro ang kalusugan at kalinisan ng paaralan habang nananatiling banta ang COVID-19.

Ipinanawagan din ng ACT na ituloy ang mass hiring ng mga guro para matugunan ang lahat ng papasok na mag-aaral.

Hiling pa ng mga guro gaya ni Peñalosa na ipagkaloob na sa kanila ang service credits at overtime pay para sa serbisyo noong halalan.

Sana rin aniya'y makapagbakasyon at makapagpahinga sila ngayong break bago magsimula ang susunod na school year.

— Ulat ni Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

KAUGNAY NA ULAT:

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.