PatrolPH

Teenager huli sa panghahalay sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Jun 15 2020 01:04 PM | Updated as of Jun 15 2020 07:48 PM

MAYNILA – Arestado ang isang 17 anyos na lalaki sa Barangay BF Homes, Parañaque City dahil sa umano ay panghahalay sa isang 31 anyos na babae nitong madaling araw ng Lunes.

Ayon sa biktimang si alyas “Christine,” umakyat siya sa kaniyang kuwarto at nakatulog matapos makipag-inuman sa ilang kapitbahay at sa suspek na si alyas “Junjun.”

Nagising na lang daw siya at nakitang hinahalay na sya ng suspek. Kasama umano nito ang 20 anyos nitong kaibigang si alyas “Ben.”

Watch more on iWantTFC

Nang magising, tumakas ang suspek, sabi ni “Christine.”

Ayon kay Franco Salamat, deputy officer ng Barangay BF Homes, natunton nila si “Junjun” sa bahay ni “Ben” sa tulong ng kuha ng CCTV.

Ayon kay “Junjun,” inalok siya ng biktima na makipagtalik.

Itinanggi naman ni “Ben” na kasabwat siya sa panghahalay at naabutan na lang niya ang nangyayari nang hanapin ang kaibigan.

Desidido umano si “Christine” na sampahan ng kaso ang 2.

Kahit menor de edad, posibleng maharap sa kasong rape si “Junjun” habang pinag-aaralan pa ang puwedeng ikaso kay “Ben.”

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.