TINGNAN: Makulay na dingding ng classroom gawa sa kahoy ng sirang armchair

Jay Dayupay, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2019 01:48 PM

Nais ng guro na maging inspirasyon sa kaniyang mga estudyante ang reading corner para mangarap at isakatuparan ang ang mga ito. Larawan mula kay Reynil Calmerin

Isang guro mula sa Polomolok Central Elementary School sa South Cotabato ang pinuri sa pagiging malikhain nang gamitin ang sira-sirang kahoy ng mga armchair bilang makulay na dingding ng silid-aralan.

“Dalawang bagay lang ang nasa isip ko, if you want to be part of the problem or part of the solution. So ito ang ginawa ko, ayaw ko nang magdagdag ng problema sa principal ko. Ini-encourage ko naman 'yung mga bata na magbasa ng aklat kasi 'yon po ang pinaka-importante," ayon sa Grade 6 special education teacher na si Reynel Calmerin.

Sa likod ng classroom ni Calmerin naka-imbak ang mga sira-sirang armchair. Pero hindi niya itinuring na patapon ang mga ito at sa halip ay hinanapan ng ibang paggagamitan.

Mula sa mga pinagtagpi-tagping makukulay na kahoy, nakagawa siya ng agaw-pansing dingding at ngayon ay reading corner na ito sa classroom. 

“This is a place, a corner sa room ko na to remind my pupils na if they want to travel around the world for free just scan the books, makakaabot na sila sa places na gusto nila,” sabi ni Calmerin.

Puwede ring magsilbing selfie spot ang reading corner. 

Bukod sa mga sirang arm chairs, ginamit din ng guro bilang dekorasyon ang mga sirang bote ng wine at lumang pantalon.

“It can motivate learning, it can inspire the students to work for their lessons with light and a well decorated, well-structured classroom,” sabi ni Hiyasminda Diolanto, principal ng paaralan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.