Pamilya ng nabaril na sanggol, nagsampa ng reklamo sa NBI

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at Jun 13 2017 06:13 PM

Nagsampa ng reklamo nitong Martes sa National Bureau of Investigation ang pamilya ng sanggol na nabaril sa police operation noong Huwebes sa Pandacan, Manila. 

Ligtas na ang sanggol na nagtamo ng tatlong tama ng bala sa tiyan, tagiliran at sa paa.

Pero posible umanong mahirapang makalakad ang sanggol dahil sa tinamong sugat sa paa, na siyang pinakamalubha.

"Gusto kong panagutan nila iyung ginawa nila sa anak ko, 'wag silang magtago,” ani Monica Roxas, ina ng sanggol.

Limang araw na ang nakalipas nang maganap ang madugong police operation sa Pandacan, Manila, kung saan napatay ang drug suspect na si Edwin Pore.

Pumasok umano si Pore sa bahay nila Roxas at kinuha ang sanggol para gawing human shield.

"Natamaan ‘yung buto sa paa nadurog, oobserbahan pa ng doktor kung makakalakad hanggang sa paglaki ng bata,” ani Jocelyn Roxas, lola ng sanggol.

Lumapit ang pamilya ng sanggol sa NBI para malaman kung may pananagutang administratibo o kriminal ang mga pulis na nagoperate. Dudulog din sila sa Human Rights Commission at National Police Commission.

"Nakikita ko na active in service pa rin ang mga sangkot dito at parang hindi umuusad ang investigation sa kaso,” ani Alvin Gacos, kapamilya ng sanggol.

Hindi na umano nagsagawa ng imbestigasyon sa insidente ang hepe ng Manila Police District Station 10 dahil nagbigay sa kanila ng pahayag ang lola na hindi mga pulis ang nakabaril sa sanggol.

"Hindi namin siya pwede pilitin, iyun ay kusang loob na binigay niya,” ani Supt. Rolando Gonzales, hepe ng MPD station 10.

Ito naman ay pinabulaanan ng lola ng sanggol.

"Sinabi nila sa'kin, 'Ikaw ang testigo, sabihin mo nakatama sa apo,' hindi ako maka-react, iyun ang gusto nilang sabihin ko. ‘Yung nakita ko talaga ang bumaril yung mga pulis,” ani Jocelyn.

Nakahanda naman ang MPD Station 10 sa anumang imbestigasyong haharapin.

“Karapatan nila na magreklamo, legitimate naman na operation yung nangyari. If ever na may complaint sila, ready kami na harapin, ani Gonzales.

Nahuli rin noong gabing iyon ang mister ni Jocelyn dahil sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs at Illegal Gambling.

Hindi alam ni Jocelyn ang pangalan ng pulis na sinasabi niyang nakabaril sa apo niya pero tanda niya umano ang mukha ng pulis.

Base sa spot report ng MPD Station 10, ang station drug enforcement team ang nagsagawa ng operasyon na pinamunuan ni Senior Insp. Val Valencia.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.