MAYNILA -- Niyanig ng magnitude 4.1 na lindol ang ilang bahagi ng Davao region Biyernes ng umaga.
Sa datos ng Phivolcs, naitala ang epicenter ng lindol 3 kilometro hilagang-silangan ng Compostela sa Davao de Oro alas 8:30 ng umaga.
Tectonic in origin ang lindol na nangyari sa lalim na 22 kilometro.
Intensity 4 ang naramdaman sa bayan ng New Bataan sa Davao de Oro, habang Intensity 3 naman sa Nabunturan.
Intensity 2 ang naramdaman sa mga bayan ng Laak at Maco, at Intensity 1 naman ang naramdaman sa Davao City at Mati City sa Davao Oriental.
Ayon sa Phivolcs, walang inaasahang pinsala at aftershock kasunod ng nasabing lindol.
Ibinahagi naman ng ilang residente sa Davao de Oro ang nangyaring lindol sa kanilang lugar.
Nagtakbuhan patungo sa school ground ang ilang mag-aaral at guro sa isang paaralan sa New Bataan matapos maramdaman ang pagyanig.
Lumikas din ang ilang estudyante mula sa mga classroom sa isang paaralan sa bayan ng Monkayo.
--ulat ni Hernel Tocmo
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.