MAYNILA - Hindi tanggap ni Alliance of Health Workers president ang apology ni Health Secretary Ted Herbosa at hinimok ang kalihim na maging sinsero sa pagtutulak na tumaas ang sahod ng mga health workers at tugunan ang isyu nila sa mga benepisyo at understaffing.
“Sana maging sinsero doon sila sa pag uusapan kasi napagod na rin kami sa matagal na panahon na every time na may protest rally at humihingi ang mga DOH officials ng dialogue pero paulit ulit lang at wala pong nangyayaring pagbabago sa usapin ng pagbibigay ng immediate relief sa health workers at sa usapin ng mga benepisyo," ani Robert Mendoza, president ng Alliance of Health Workers.
Si Filipino Nurses United Secretary General Jocelyn Andamo naman, tanggap ang apology ni Herbosa pero nilinaw na wala silang napabayaang trabaho kung sila man ay nagprotesta dahil sa kapabayaan ng pamahalaan. Sana rin daw ay iwasan na ni Herbosa ang panghuhusga o red tagging.
Payag silang makipag-dayalogo na matagal na umano nilang hiling sa Office of the President, Department of Health at Department of Labor and Employment.
Hindi pa rin umano kasi natutugunan ang mababang sahod, contractualization at termination ng mga health care workers gaya ng pagtiyak na maisabatas ang pagtaas din ng sahod ng mga nasa pribadong sektor.
“Yun ay isa sa mga gusto rin namin na dapat ang private at public sector ay pareho ang natatanggap namin...so sana doon sa aming pakikipag usap namin sa kanya masiguro niya gagawin ito because matagal na rin namin yan naririnig sa Department of Health, so yung kongkretong steps kung paano gagawin,” dagdag ni Andamo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
DOH, Ted Herbosa, Alliance of Health Workers, Filipino Nurses United, health workers, Tagalog news