'Vaccine envy' nakikitang problema sa pagsisimula ng A4 vaccination | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Vaccine envy' nakikitang problema sa pagsisimula ng A4 vaccination

'Vaccine envy' nakikitang problema sa pagsisimula ng A4 vaccination

ABS-CBN News

Clipboard

Watch more in iWantv or TFC.tv

MAYNILA - Pagpatak ng lunch break, diretso na sa COVID-19 vaccination area sa isang mall sa Maynila si Manuel Barba, tindero sa isang hardware store na kabilang sa mga essential na negosyo.

Si Emilia Balaguer naman na tindera ng fishball, naniniwalang bakuna ang susi para makapaghanapbuhay kahit may pandemya.

"Kailangan ko po talaga ang bakuna para makapagtinda-tinda rin ako nang maayos, para hindi na ako anuhan ng COVID-COVID na ibang sakit na dumadapo," ani Balaguer.

Ayon naman kay Barba: "Siyempre 'yung environment po namin is exposed po kami sa customers… At least kahit papano mafi-feel ko na safe ako, safe akong uuwi sa pamilya ko."

ADVERTISEMENT

Pero maraming hindi kasingsuwerte ni Balaguer at Barba na nakapagpabakuna noong araw na iyon.

Si "Alj" dismayado dahil nag-absent pa kasi sa trabaho at nanghihinayang sa sahod.

"Ngayon po hindi sila nagpapasok dahil cutoff na po. Nawalan po kami…Nasayang po kasi 'yung araw namin," ani "Alj."

Ayon naman ng isa pa: "Umusad lang nang konti, bigla silang nag-cutoff. Nagulat kami, sabi namin bakit biglang nag cutoff. Ang sabi sa amin is 743 na 'yung nakapasok… Mukha kaming tanga dito, nag-aantay kung ano mangyayari sa amin."

Paliwanag ni Manila Mayor Isko Moreno, nasa 3,000 bakuna lang ang natira kaya madali itong naubos.

Maliit ito gayong 22,000 ang nababakunahan sa Maynila kung may supply.

Ang problema, daan-daang libo na ang nagparehistro para sa A4 kaya umaasa si Moreno na mabibigyan agad ng supply lalo't wala na silang bakuna para sa susunod na araw.

"Tomorrow wala kaming bakuna unless may matanggap kami today… 'Wag na kayong umasa na magkaroon ng herd immunity kung ang dating ng bakuna ay panaka-naka 'no, paambon-ambon, hindi na totoo 'yon niloloko na lang natin ang taumbayan no'n. What matters most is that in our own little way kapag dumating sa amin ang bakuna ide-deploy namin agad," ani Moreno.

Ang ibang lungsod, hindi pa nakakapag-umpisa ng A4 vaccination dahil naghihintay din sila ng supply.

Ang lokal na pamahalaan ng Valenzuela, umaasang mabibigyan ngayong Martes para maumpisahan na ang kanilang pagbabakuna sa economic frontliners.

"We were suppose to start tomorrow. We were told to wait for new supplies to come in before we start as we also do not have supplies. We were told any time today or tomorrow we should get word on the new supplies delivery so I'm confident we can start shortly," ani Valenzuela Mayor Rex Gatchalian.

Para kay Quezon City Mayor Joy Belmonte, hindi na vaccine hesitancy ang problema kundi vaccine envy.

At dahil sa laki ng populasyon ng QC ay siguradong ubos agad kahit ang paparating nilang 8,900 doses.

"There’s what we call 'vaccine envy' meaning nagseselos na 'yung mga hindi pa nagpapabakuna du'n sa nagpapabakuna. Everyday our inbox in our Facebook page is inundated with requests for vaccination," ani Belmonte.

"'Yung darating sa amin na 8,900 doses of Gamaleya… That’s only half a day or even less than half a day matatapos namin 'yan. So sayang naman di ba, dapat sana bulto-bulto na ang ibaba nila sa amin," dagdag niya.

Nagsara rin ang mega vaccination center ng Marikina matapos magkaubusan ng bakuna.

Dahil dito, naghihintay muna ang mga nasa 80,000 na nagparehistro sa A1 hanggang A3 priority groups.

"Nakakapanghinayang din ang mataas na vaccine confidence ng mga tao at pangalawa 'yung proteksiyon na maaring makuha ng mga tao doon sa bakuna," ani Marikina Mayor Marcy Teodoro.

Dismayado rin ang Antipolo dahil habang nagaganap ang ceremonial vaccination ng A4 sa ibang lungsod ay naubos ang kanilang suplay.

"Ang ibig sabihin ba ng DOH, mas mahalaga ang A4 ng NCR kumpara sa mga lolo at lola sa labas ng NCR? So sana linawin lang nila ang mensahe kasi mahirap na iba ang sinasabi namin sa local at iba ang sinasabi ng national, naguguluhan ang mga tao," ani Antipolo Public Information Officer Jun Ynares.

Nanghihinayang din ang Employers Confederation of the Philippines sa dami ng manggagawang gustong magpabakuna na tingin nila ay nasa 70 porsiyento.

Tingin naman ng Defend Jobs Philippines na pagod na ang mga manggagawa na ma-lockdown kaya naiinip nang mabakunahan.

Tingin nila na dapat sagutin ng pamahalaan ang nawawalang kita ng mga manggagawang nag-absent pero hindi mabakunahan, pati na rin ang tatamaan ng adverse effects dahil sa bakuna.

"'Yung mga manggagawa tinatanong nila papano kung ito mangyayari sa 'min, sinong sasagot, sino tutulong? Tingin namin dapat talaga pamahalaan ang manguna sa compensation, tulong-medikal, dapat manguna ang pamahalaan dito" ani Defend Jobs Philippines Spokesperson Christian Lloyd Magsoy.

Ayon sa National Economic Development Authority, nasa 35.5 milyon ang populasyon ng mga mangagagawa kaya kung mababakunahan lahat ng ito ay halos kalahati agad ng target ng Pilipinas na herd immunity ang makakamit.

Nanawagan na rin si Labor Secretary Silvestre Bello na isama na sa A4 ang mga naka-work from home. Pero tingin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kasama sila sa A4 category para maibalik sa normal ang trabaho sa bansa.

— Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.