Face-to-face classes sa mga lugar na walang COVID-19 ipinanukala | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

HEADLINES:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Face-to-face classes sa mga lugar na walang COVID-19 ipinanukala

Face-to-face classes sa mga lugar na walang COVID-19 ipinanukala

Angel Movido,

ABS-CBN News

Clipboard

MAYNILA – Hinimok ngayong Linggo ng isang kongresista ang Department of Education na ikonsidera ang pagsasagawa ng face-to-face classes sa mga lugar na walang naiuulat na kaso ng coronavirus disease (COVID-19).

Puwedeng makipagtulungan ang DepEd sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases para gumawa ng “COVID-19 chart map” na tutukoy sa mga lugar kung saan walang kaso ng respiratory disease, ayon kay Pasig Rep. Roman Romulo, chairperson ng House committee on basic education and culture.

“Dapat systematic. May island, municipalities, baka doon puwede pa mag-face to face [learning]. Hindi lahat ng municipality tinamaan ng COVID-19. Mayroong hindi inaabot ng telebisyon. Kailangan may mapping,” sabi ni Romulo sa Balitaan sa Maynila sa pamamagitan ng Zoom.

Sa darating na pasukan – na pormal na mag-uumpisa sa Agosto 24 – nakatakdang magpatupad ang mga paaralan ng mga alternatibo sa face-to-face learning. Kasama rito ang online classes, at paggamit ng printed modules, telebisyon at radyo.

ADVERTISEMENT

Inihayag din ni Romulo na hindi dapat “ambisyunin” ng mga guro at magulang na “lahat ay maituturo ngayon.”

Para sa mga nasa Grade 1 at 2 na mag-aaral sa kanilang mga bagay, mainam na bigyang pansin ang kakayahang magbasa at unawain ang mga binabasa (reading comprehension).

Nauna nang sinabi ng DepEd na nabawasan nang 60 porsiyento ang learning competencies o iyong mga kaalaman at kakayahang dapat matutunan ng mga mag-aaral kasunod ng pag-review sa K-12 curriculum.

HIGIT 6 MILYON NAG-ENROLL NA

Noong Sabado, ibinahagi ng DepEd na umabot na sa 6,313,133 ang nag-enroll sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa buong bansa para sa darating na pasukan.

“We are very happy with the turnout so far,” sabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan.

ADVERTISEMENT

“This means parents of 6 million learners (are) willing to try blended [or] distance learning, and willing to work with us for the education of their children,” dagdag ni Malaluan.

Tatagal ang enrollment period sa mga pampublikong paaralan hanggang katapusan ng Hunyo.

Hinikayat din ng DepEd na hangga’t maaari ay gawing remote ang enrollment, kung saan ang pagpaparehistro para sa pasukan ay idadaan sa text message o social media. Ito ay para hindi na kailangang lumabas sa bahay ng mga mag-aaral, magulang at guro upang makaiwas sa banta ng COVID-19.

Nasa 27 milyon ang kabuuang bilang ng mga nag-enroll noong nakaraang school year, ayon sa datos ng DepEd. -- May ulat ni Jaehwa Bernardo, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.