Cellphone technician, timbog sa buy-bust

Ernie Manio, ABS-CBN News

Posted at Jun 07 2017 10:24 AM

MAYNILA - Arestado ang isang cellphone technican nang mahulihan ito ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation ng Quezon City police sa Cubao hatinggabi ng Miyerkoles.

Kinilala ang suspek na si Christopher Benitez, 24, na matagal na umanong inirereklamo ng mga kapitbahay at nasa drugs watchlist din ng Barangay San Martin de Porres.

Ayon kay Supt. Louis Benjie Tremor, commander ng QCPD station 12, nagbebenta ang suspek ng droga sa mga kargador at tricycle driver sa kanilang barangay.

Aminado naman ang suspek na gumagamit siya ng ipinagbabawal na gamot pero hindi umano siya nagtutulak. Itinanggi rin niyang kanya ang nakuha ng pulisyang 6 na sachet ng hinihinalang shabu.

"Dalawa lang ang sa amin," dagdag pa niya.

Nahaharap si Benitez sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.