MAYNILA -Magbubukas ang Department of Transportation (DoTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 3 karagdagang ruta ng mga bus simula Biyernes.
Ito ay sa harap ng kakulangan ng pampublikong sasakyan para sa mga empleyadong nagbabalik-trabaho sa ilalim ng general community quarantine (GCQ).
Ayon kay DOTr Assistant Secretary Goddess Libiran, ilulunsad sa Hunyo 5 ang Route 1 (Monumento-Balagtas, Bulacan); Route 17 (EDSA-Montalban, Rizal); at Route 18 (NAIA Loop.)
Bukod dito, may ilulunsad din sa Lunes, Hunyo 8, na tatlo pang ruta - ang Route 3 (Monumento-VGC); Route 11 (Gilmore-Taytay); at Route 21 na (Monumento-San Jose Del Monte, Bulacan.)
Bahagi ang mga ruta sa 31 rationalized routes sa Metro Manila para sa mga public utility bus operators.
Ngayong hapon ay makikipag-meeting ang LTFRB sa mga bus operator para malaman kung ilang bus ang mga ide-deploy sa naturang ruta.
Ayon sa DOTr, araw-araw ay nagsasagawa ng assessment para magkaroon ng sapat na datos na makatutulong sa pagpapatupad ng gradual, calibrated, at partial resumption ng public transportation.
Nilinaw ng DOTr na hindi lahat ng uri ng pampublikong transportasyon ay pinapayagang bumiyahe para malimitahan pa rin ang galaw ng mga tao sa ilalim ng GCQ.
-- Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog News, coronavirus, COVID-19, coronavirus Philippines update, COVID, coronavirus disease Philippines, COVID-19 Philippines update, coronavirus transport, coronavirus buses, Modified EDSA, EDSA route