General quarantine sa Calamba City: Maraming tao walang masakyan

ABS-CBN News

Posted at Jun 01 2020 04:46 PM | Updated as of Jun 01 2020 07:34 PM

Watch more in iWantTFC

Naging problema ang pampublikong transportasyon sa Calamba City, Laguna para sa mga biyahero ngayong Lunes, kasabay ng pagsasailalim sa buong lalawigan sa mas maluwag na general community quarantine (GCQ).

Tila nagbalik ang lungsod sa panahong wala pa ang kinatatakutang virus dahil napakaraming sasakyan ang nagdulot ng pagsikip ng trapiko.

Pero kahit maraming sasakyan, marami ang wala pa ring masakyan, tulad ni Monique Escondo na ilang oras nag-abang sa kalsada ng masasakyan pauwi sa San Pablo City.

Naglakad naman si Jun Atienza para magbakasakaling makahanap ng trabaho bilang tagatabas ng damo pero nabigo siya.

"Naghahanap po ako trabaho wala po pangkain sa pamilya ko po," ani Atienza.

Mula naman sa ospital, hiningal na buhat-buhat ni Adelfa Boribor ang 5 taong gulang na apo na kaniyang pina-X-ray.

Pauwi na sila pero wala naman silang masakyan.

"Nagtatrabaho ho kasi ang nanay at tatay nito, ako ang nag-aalaga," ani Boribor.

Wala pang biyahe ang mga jeep at bus kaya hirap ang mga ordinaryong mamamayan sa kanilang masasakyan. Traysikel pa lang ang pinapayagang makabiyahe pero sa loob lamang ng Calamba.

Nasa 17,000 ang bilang ng traysikel sa lungsod kaya ipinatutupad ang odd-even scheme para sa may schedule sa kanilang pagpasada. Isang pasahero rin lang din ang pinapayagan.

Kahit nasa GCQ na ang Calamba City, hinikayat ng lokal na pamahalaan na gumamit pa rin ang mga barangay ng quarantine pass.

"Ine-encourage pa rin namin na magkaroon ng quarantine pass 'yong mga barangay para po at least ma-control 'yong mga constitutent nila na lalabas," ani Jeff Rodriguez, pinuno ng public order ang safety office ng Calamba.

Sa mga nagtatrabaho sa Metro Manila, may mga point-to-point bus sa tapat ng SM Calamba. Mayroon ding tren ng Philippine National Railways na masasakyan.

Ang mga empleyado naman sa mga pabrika sa Calamba ay may shuttle service. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.