Ambulansya nahulog sa bangin sa Cagayan; mag-asawa patay

Harris Julio, ABS-CBN News

Posted at May 28 2020 03:19 AM

Larawan mula sa Baggao Information Office

Patay ang isang mag-asawa na kabilang sa apat na sakay ng ambulansya na nahulog sa bangin sa Barangay Bitag Grande, Baggao, Cagayan nitong Linggo ng hapon.

Ayon kay Police Capt. Rey Viernes, hepe ng Baggao Police Station, ihahatid sana ng ambulansya sa isang ospital sa Tuguegarao City ang pasyente na si Alvaro Dumayag na nakaranas ng paninikip ng dibdib.

Kasama nito ang kaniyang misis na si Violeta at isang nurse ng Baggao District Hospital.

Habang binabaybay ng ambulansiya ang kalsada, biglang nagpreno ang driver para iwasan umano ang isang tao na patawid ng kalsada kaya lang ay dumiretso ito sa 10 talampakang lalim na bangin.

"Ang dahilan po, nakita ko po doon ay dahil po sa mga putik na galing sa bundok kaya nag-slide po, medyo madulas na yung kalsada,” sabi ni Viernes.

Nagtamo ng galos ang driver ng ambulansya at ang nurse na ngayon ay nagpapagaling sa ospital.

Ayon sa mga kaanak, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang mag-asawang Dumayag. Nagkaroon din ng bali sa paa si Violeta na pumanaw noong Lunes. Nang sumunod na araw ay si Alvaro naman ang binawian din ng buhay.

Nangako ng tulong sa mga naulila ng mag-asawa ang pamahalaang panlalawigan ng Cagayan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.