Ramadan sa panahon ng kaguluhan | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Ramadan sa panahon ng kaguluhan

Ramadan sa panahon ng kaguluhan

Patrick Quintos,

ABS-CBN News

Clipboard

Pakikiisa sa Marawi

Nagdarasal at nagninilay-nilay sa loob ng isang mosque ang ilang Muslim sa Iligan City sa pagsisimula ng Ramadan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

ILIGAN CITY - Isang malaki at napakaimportanteng pagdiriwang para sa mga Muslim ang Ramadan na nagsimula ngayong Sabado. Pero imbes na kasiyahan, marami sa mga mananampalataya sa siyudad na ito ang malungkot dahil sa gulo sa Marawi City.

Isa na rito si Lisa, hindi niya tunay na pangalan, na hindi napigilang mapaiyak habang ikinukuwento ang kanyang nadarama kapag nakikita ang mga kamag-anak nilang lumikas sa Marawi at ngayo'y nananatili sa kanilang maliit na tahanan.

"'Yung feeling dapat kasi sana nagse-celebrate kami sa bahay ng family. Right now, ang hirap tingnan kasi nagsisikipan kami. Tapos 'yung time na sana nagse-celebrate sana, happy, pero parang... magulo," naiiyak na ikinuwento ni Lisa.

Si Lisa ay namamahala ng kanilang tindahan at gasolinahan sa Iligan City. Ang mga kapatid ng kanyang asawa ay meron din aniyang gasolinahan sa Marawi na sentro ngayon ng bakbakan sa pagitan ng mga tropa ng pamahalaan at ng Maute group.

ADVERTISEMENT

Isa sa mga mamimili sa tindahang pinamamahalaan ni Lisa. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Aabot sa mahigit 15 ang mga kamag-anak ni Lisa

na lumikas at tumutuloy sa kanila ngayon. Aminado siyang kahit siya ay hindi nagtatanong masyado sa karanasan ng mga kapatid ng kanyang asawa dahil sa hiya.

Pero, aniya, ramdam niya ang kanilang sakit.

"Hindi ako nagtatanong pero alam ko worried sila. Gusto na nga nilang bumalik para i-check 'yung mga gamit nila pero mahirap ma-caught pa sila sa situation doon," aniya.

May negosyo rin sila sa Marawi pero ang inaalala nila ay ang buhay sa nasabing siyudad na sa kanyang pagsasalarawan ay masaya, payapa at maganda para sa negosyo at iba pang aktibidad bago sumiklab ang gulo.

"Ang life talaga ng mga nakatira doon, everybody is business as usual. Bumebenta ka dito. Ang usual routine kasi doon ay bibili ka sa Iligan tapos babalik sila doon," kuwento ni Lisa.

Ilan sa mga mamimili sa tindahang pinamamahalaan ni Lisa. Namimili sila ng almusal ngayong unang araw ng Ramadan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Mensahe ni Lisa, hindi lang para sa mga kamag-anak, kundi maging sa mga napilitang lumisan sa tinaguriang Islamic City sa Mindanao: Patuloy na manalangin dahil si Allah ay patuloy na nakikinig sa lahat.

"Trials lang 'to. Parang test. Si Allah, tumitingin naman kung ano ang situation natin. Time will come na mawala 'yan. matapos ang gulo na 'yan. Alam ko masakit sa mga nakatira doon pero pray lang tayo. Allah is watching," ani Lisa.

Ganito rin ang mensahe ni Muhammad Ali Adi, na nakapanayam ng ABS-CBN News, sa unang umaga ng Ramadan matapos ang kanyang pananalangin. Ani Adi, panalangin ang matibay na makakapitan ngayon ng mga apektado ng kaguluhan.

"Tiis na lang muna tayo. Wala pa tayong magagawa kundi manalangin. Saka 'yung mga kapatid naman natin, mga nagpe-pray, 'yun ang pinapanalangin nila- na mawala na 'yung kaguluhan dito sa atin," aniya.

Si Muhammad Ali Adi at Muhammad Fais pagkatapos ng kanilang pang-umagang panalangin sa unang araw ng Ramadan. Panalangin nila ang kapayapaan sa Marawi.

Kahit siya umano, hindi mapigilang malungkot kapag nakikita ang lungkot sa mukha ng mga lumikas na taga-Marawi at ngayo'y nagdarasal sa kanilang mosque.

"'Yung mga na-displace, di maganda 'yung pakiramdam nila. Siyempre kung baligtarin natin, tayo ang napunta sa ibang lugar na 'di natin kagustuhan, napakasakit nun," aniya.

"Maraming umiiyak. Kasi nung umalis sila, 'yung mga kagamitan nila naiwan, napakasakit din sa kanila," dagdag pa niya.

Ramadan sa bakwitan

Bagama't mainit at masikip, taimtim na nananalangin ang isang babae sa loob ng evacuation center sa unang araw ng Ramadan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Kung may mga bumakwit na may natutuluyang kamag-anak sa Iligan City o di naman kaya'y may nauupahan, meron din namang mga taga-Marawi na napadpad sa iba't-ibang evacuation centers sa mga karatig na bayan.

Sa Saguiaran, katabing bayan lamang ng Marawi, aabot sa mahigit 2,040 pamilya ang nananatili ngayon sa 10 iba't-ibang evacuation centers doon. Kasama na rito ang 109 kataong nadatnan ng ABS-CBN News sa bakwitan sa munisipyo.

Hawak-hawak ng isang ina ang kanyang sanggol na anak sa isang evacuation center sa Saguiaran, ang bayang katabi lamang ng Marawi. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Bukod sa siksikan na at mainit, wala pang matulugang maayos ang mga bakwit dito kundi karton. Ayon sa mga nananatili rito, kailangan din nila ng mga gamot lalo't marami sa kanila, lalo ang mga bata at matatanda, ang nagkakasakit na.

Sa maliit na evacuation center na ito nagtitiis magdasal at magdiwang kahit papaano ang mga Muslim na lumikas sa Marawi. Bagama't may mosque na malapit, iba pa rin aniya na ikaw ay nakapagdarasal sa sarili mong lugar.

Nagdarasal sa isang mosque malapit sa evacuation center sa Saguiaran ang mga mananampalatayang Muslim sa unang araw ng Ramadan. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Isa sa mga bakwit na nakapanayam ng news team doon ay si Aliasgar Ibrahim, na nang aming datnan ay masaya pa at palangiti. Pero nang maikuwento na niya ang karanasan, hindi na nito napigil ang pag-iyak.

Kuwento ni Ibrahim, hindi pa makalabas ang anim niyang anak at ang buntis niyang asawa sa Marawi kung saan tuloy pa rin ang pambobomba ng mga militar kontra sa mga teroristang nanggugulo doon.

Hindi na napigilan ni Ibrahim napaiyak nang maikuwento ang sitwasyon ng kanyang pamilya sa Marawi. Jonathan Cellona, ABS-CBN News

Noong sila umano ay lumilikas, pinipilit niya ang kanyang asawa na sumama na sa kanila papunta sa bakwitan. Pero mas pinili aniya nitong manatili dahil hindi nila akalaing tataas ang tensiyon doon.

Ngayon, walang kontak si Ibrahim sa kanyang pamilya at hindi siya makatulog-tulog nang maayos sa evacuation center.

"Hindi namin alam kung buhay pa sila o ano.. 'Yan ang napasakit ko 'yung pamiilya ko. Di ko alam kung buhay pa sila o tinamaan na sila na ng bomba," naiiyak na kuwento ni Ibrahim.

Bukod sa evacuation center sa Saguiaran, marami rin ang bumakwit sa Barangay Maria Cristina at Buru-un sa Iligan. Medisina, matutulugan, kumot, pagkain, at tubig rin ang kanilang apelang tulong.

Ngayon panahon ng Ramadan, may gulo man sa Marawi, iisa ang panalangin ng mga nakapanayam ng news team, bakwit man o simpleng residente ng Iligan at mga karatig nitong bayan: Kapayapaan para sa lahat.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.