Failon Ngayon: Motorcycle Taxi

ABS-CBN News

Posted at May 26 2019 12:26 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

Papasok sa trabaho? Magbu-bus kaso tayuan. Kung jeep, kaya mo ba ang init? Kung MRT naman, sobra namang siksikan. Kung taxi kaya? Tiyak butas naman ang bulsa. Kung taxi na motorsiklo, inyo na bang nasubukan na?

Septyembre noong nakaraang taon, pinayagan ng korte sa Mandaluyong ang pamamasada ng mga single na motorsiklo na gumagamit ng booking platform na Angkas. Pero nilabanan ng LTFRB ang utos ng regional trial court at inakyat sa Korte Suprema ang kaso.

Para sa mga komyuter ng Angkas na gaya ni Ralph Manuel isang law student, isang malaking kawalan ang Angkas dahil isa raw ito sa alternatibong pamamaraan para sa mas mabilis na pagbiyahe sa daan. Kaya kahit noong pinatigil ito ng hukuman, pinapatulan na rin daw ni Ralph ang serbisyo ng tinatawag na mga “motorcycle taxi” kahit kolorum ito.

Pero hindi na kailangan maghintay pa ng matagal ni Ralph na maresolba ang gusot sa motorcycle taxi service gaya ng Angkas, dahil kamakailan lamang ay binigyan na ng go signal ng Department Of Transportation upang makapag-operate ang angkas at maging legal.

Ayon kay Usec. Mark De Leon ng Department of Transportation, “Ang pagpayag natin sa Angkas is a part of the results ng technical working group na binuo ng DOTr sa utos ni Secretary Tugade, ito iyung isa sa kanilang rekomendasyon is to proceed with this pilot evaluation phase ng motorcycle taxi. To aide yung congress natin at senado sa kanilag pag bubuo ng batas para sa motorcycle taxi.”
 
Magsisimula ang pilot testing na ito sa Hunyo at tatagal ng 6 na buwan. Gagamitin daw ang resulta ng pilot testing sa pagbalangkas ng bagong batas.

Naging masaya naman ang pamunuan ng Angkas sa naging desisyon ng DoTr. Pahayag ni George Royeca, Head ng Regulatory and Public Affairs ng Angkas, “Sana dito sa pilot ay mapatunayan natin hindi lamang po efficient kung hindi ligtas din po ang pagsakay sa motorsiklo bilang isang pampublikong transportasyon. There’s about 22 thousand sa metro manila at additional 5 thousand sa Cebu.” 

Ang kaso, dalawampu’t pitong libong riders lang ang papayagan ng DoTr sa pilot testing sa Metro Manila at Cebu. Paliwanag dito ni Usec. De Leon, “Binibigyan natin ng one month to implement ang safety training para sa mga drivers. Binibigyan natin din siya ng appropriate na panahaon para kumuha ng insurance coverage para lahat ng motorsiklo ay may kaukulang passenger insurance coverage.” Dagdga nama ng Ginoong Royeca ng Angkas, “We’ve adjusted already sa ngayon po it’s at 450 thousand for death and dismemberment, and 100 thousand medical reimbursement.”

Isa nga sa pinakabinusisi sa panuntunang inilabas ng DoTr ay ang kaligtasan ng parehong partido habang ginagamit ang serbisyo. Ang motorsiklo at ang rider, may pamantayan kailangan masunod. “Hindi dapat mabilis ang pagpapatakbo ng sasakyan, kaylangan may suot na helmet iyung rider, may appropriate vest para maidentify ang rider and dapat through apps lamang nag pag bobook, importante din na ang pasahero kaya niyang abutin ang footpegs. So ang mga bata hindi pwede, iyung mga lasing hindi rin pwede and titignan naming if may dagdag pa na regulations na dapat.” Paliwanag ni Usec. De Leon. Ayon naman kay Ginoong Royeca ng Angkas, “But one thing you will see on the road ay iyung aming reflectorized vest sa mga angkas rider para makikita ninyo iyung IDs ng mga riders at numbers ng drivers so from afar makikita niyo po siya at marerecognized niyu po sinu siya, ano siya at anong markings niya as angkas rider.”

Gaya sa rider ng motorsiklo, kailangan may proper safety gear na ibibigay sa mga magbo-book sa angkas. 

Para sa transportation planning expert, maganda naman daw ang motorcycle taxis, pero kwestyunable ang pagtutok dito. Ayon kay Rene Santiago ng Road Safety Advocate, “Sa Thailand may ganito. Marami ang gumagamit. Maganda naman ang layunin ang it’s about time na i-ammend na ang batas. Ang hirap lang dyan eh ang motor kung san san sumisiksik, napakabilis pano nila imomonitor yan? Eh ang mga bus at jeepneys nga hindi nila mamonitor.” 

Ayon naman kay Usec. De Leon, “Kung makita natin na itong mga Angkas o Motorcylce riders ay lumalabag sa batas trapiko ay magiging rekomendasyon din namin yan para isuspend ang implementasyon ng pilot testing phase, kung makikita maraming naaksidente, namamatay ay iimplement namin ang suspension. Hindi sila pwedeng paparahin at kumuha ng pasahero sa kalsada ang DOTR and LTRFB will be closely monitoring itong angkas at kung meron report ng mga abuses, accidents, paki report nalang dito sa DOTr.”

Paliwanag naman ng Ginoong Royeca ng Angkas, “May provision naman po sa ating pilot na we can extend if deemed necessary, so these are the things that we put in place so that we can fix whatever unforeseen problem in the future.”

Sa kasalukuyan ay nakabinbin na rin sa kongreso ang panukalang batas na siyang magbibigay pahintulot sa mga motorsiklo na maging parte na ng pampublikong transportasyon. Kung maipasa ito sa mabilis na panahon, matatapos agad ang pilot testing ng DoTr.

___

Sa mga isyung lahat tayo may pakialam, manood na ng FAILON NGAYON tuwing Sabado pagkatapos ng Pinoy Brother Otso
11:00 ng gabi sa ABS-CBN! 

Mapapanood ang replay ng FAILON NGAYON sa ANC tuwing Linggo, alas 2:00 ng hapon. 

Mag-kumento at ipahayag ang inyong saloobin sa aming official Facebook pages, https://www.facebook.com/failon.ngayon.fanpage.
 
I-follow din ang Failon Ngayon sa aming official Twitter account sa https://www.twitter.com/Failon_Ngayon o @Failon_Ngayon at gamitin ang hashtag na #FailonNgayon.

Maaari ding mapanood ang ibang segments at episodes ng Failon Ngayon sa Youtube at iwant! Bisitahin lamang ang www.youtube.com/abscbnnews at ang www.iwant.ph