PatrolPH

3 'pastora' arestado sa investment scam

ABS-CBN News

Posted at May 25 2021 04:43 PM | Updated as of May 25 2021 08:20 PM

Watch more on iWantTFC

Tatlong babaeng nagpakilalang pastora ang inaresto ng National Bureau of Investigation (NBI) matapos umanong magpatakbo ng investment scam kung saan nawalan ng P2.6 milyon ang mga biktima.

Hinuli ng mga tauhan ng NBI Anti-Fraud Division ang mga suspek matapos umano nilang tanggapin ang pera sa isang entrapment operation.

Nasa P1 milyon ang hinihingi sa mga biktima sa pangakong kikita sila nang 10 porsiyento kada araw sa investment umano sa krudo at cryptocurrency.

Ayon sa 2 biktima, kumita raw sila noong maliit pa ang kanilang in-invest pero nang magpasok na ng P2.6 milyon, wala na raw silang nakuha mula noong Pebrero.

Ayon sa mga biktima, masama ang kanilang loob lalo't sa simbahan nila nakilala ang mga pastora at doon din nangyari ang ilang pag-uusap tungkol sa investment.

Nabawi sa mga suspek ang ilang ID na iba-iba ang pangalan. Tumanggi silang magbigay ng panayam.

Ayon kay Palmer Mallari, hepe ng NBI Anti-Fraud Division, hindi rehistrado sa Securities and Exchange Commission ang mga suspek para magpatakbo ng investment.

Hindi rin kapani-paniwala ang pinangakong kita sa investment, sabi ni Mallari.

Kulong ang 3 suspek sa kasong syndicated estafa at usurpation of authority.

-- Ulat ni Niko Baua, ABS-CBN News
 

 RELATED VIDEO:

Watch more on iWantTFC
 
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.