Lalaki hinihinalang kinagat ng buwaya, natagpuang patay

Diana Lat, ABS-CBN News

Posted at May 25 2019 01:51 PM

RIZAL, Palawan – Hinihinalang kagat ng buwaya ang naging dahilan ng pagkamatay ng isang lalaki sa bayan ng Rizal, Palawan, Biyernes ng hapon.

Ayon sa report na ipinadala sa Palawan Council for Sustainable Development, posibleng kinagat ng buwaya si Jomar Banggali, 35-anyos, at residente ng Sitio Bulikawa sa Barangay Canipaan.

"Nakita yung bangkay at marami daw kagat sa parte ng leeg at sa ulo at sa braso at sa katawan," sabi ni Forester Jovic Fabello, tagapagsalita ng PCSD.

Huwebes pa ng hapon nang mawala si Banggali sa Canipaan River. Kinabukasan, nakita na lamang ang kaniyang bangkay sa Katiringan sa nasabi ding bayan.

Sa ngayong ay limitado pa ang detalyeng naipaabot sa PCSD at iniimbestigahan pa ang insidente.

Sakaling makumpirma, ito raw ang unang kaso ng may namatay dahil sa pag-atake ng buwaya sa Barangay Canipaan.

Ayon sa PCSD, maaaring pumasok sa teritoryo ng mga buwaya ang biktima kaya’t inatake ito. Posibleng depensa ito ng buwaya o may pinoprotektahanga pangitlugan lalo na’t breeding season ngayon.
 
"Posibleng nakita ng buwaya na 'yung tao ay naliligo sa ilog or may ginagawa doon sa ilog and ang tingin niya naman hindi niya naman ma-distinguish kung tao 'yun o hayop. So ang natural tendency lalo na kung gutom siya is aatake siya," ani Fabello.

Naideklarang crocodile sanctuary ang Canipaan sa Rizal. Sa ngayon ay ginagawa pa ang management plan nito upang malaman kung paano ipatutupad ang proteksyon ng mga buwaya sa lugar at kung anong gagawin sa mga taong nakatira dito.

Babala na lang muna ng PCSD sa mga residente na mag-ingat at umiwas sa mga ilog na teritoryo ng mga buwaya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.