Call center agent, patay sa hit-and-run

Gracie Rutao, ABS-CBN News

Posted at May 24 2019 02:40 PM

Tanging larawan na lamang ni Justin Gomez ang hawak ng kaniyang ama matapos na mamatay siya sa hit-and-run habang tumatawid sa Mabalacat City. Gracie Rutao, ABS-CBN News

Patay ang isang 20-anyos na call center agent matapos na maging biktima ng hit-and-run sa Mabalacat, Pampanga.

Nailibing na, pero ramdam pa rin ng pamilya Gomez ang sakit ng pagkawala ng kaanak na si Justin.

Namatay si Justin sa aksidente habang tumatawid sa kahabaan ng McArthur Highway sa Barangay Dau, madaling araw ng Mayo 18.

Sa kuha ng CCTV ng barangay, kita na nakatawid na sa gitna ang biktima, pero umurong nang may dumaang trak. Pero sa kaniyang pag-urong siya naman ang nabundol ng paparating na SUV sa kabilang daan.

May isang saksi na humabol sa SUV at naplakahan ito, sabi ni Police Lt. Col. Maharlika Villasis.

Kaga-graduate lamang ng kursong marine transportation ng biktima at pansamantalang nagtatrabaho bilang call center agent habang naghihintay ng tawag sa pag-aabroad.

“Ang dami pa niyang pangarap... sana sumuko ka na,” sabi Angel Gomez, ang ama ng biktima.

Samantala, nakahanda naman ang P5,000 na pabuya mula sa lokal na pamahalaan sa sino mang makapagtuturo sa driver ng SUV.

Naisampa na ang kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa may-ari ng SUV.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.