Ang dolomite sand beach sa Manila Bay noong Abril 13, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News/File
MAYNILA — Masyado pang maaga para masabi kung nawa-wash out o inaanod na ang dolomite sand na itinambak sa Manila Bay, sabi ni Environment Undersecretary Jonas Leones.
Ayon kay Leones, hindi pa tapos ang "dolomite beach" project at may mga inilagay ding "geotubes" para matiyak na hindi aanurin ang artificial sand.
“We have put in place 'yong mga geotubes to ensure na 'di mawa-wash out 'yong mga dolomite. Siguro too early to say na nag-wash out na siya,” sabi ni Leones.
Ito ay matapos sabihin ng civil society organization na Oceana Philippines sa kanilang pahayag noong April na nage-erode na ang dolomite sand.
“From December 2020 to February 2021, this dolomite beach has eroded by at least 300 square meters. They are refilling it again and even extending the area,” ani Oceana Vice President Gloria Ramos.
Pero ayon kay Leones, normal naman ang pag-erode ng buhangin sa mga dagat.
"Even in ordinary beaches talaga namang nage-erode nang kaunti so 'yon nga 'yong mine-maintain sa beaches, 'yong coastal resorts natin, 'yan 'yong ginagawa natin,” aniya.
Inaabangan na rin umano ang tag-ulan para makita kung epektibo ang mga "geotube"para maiwasan ang erosion.
“Gusto natin mag-rainy season na dahil para once and for all we can see and evaluate kung talagang effective 'yong ating beach nourishment. Pinag-aralan namin yan and we are confident na kahit bagyuhin 'yan, kahit anong ulan man, nandiyan pa rin 'yong beach nourishment,” sabi ni Leones.
Inaasahang matatapos ang beach nourishment project sa Hunyo o Hulyo.
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.
PatrolPH, Tagalog news, Department of Environment and Natural Resources, Manila Bay, dolomite beach, dolomite sand, beach nourishment project, Oceana Philippines, environment