PatrolPH

Patuloy na pagtambak ng dolomite sa Manila Bay pinuna

ABS-CBN News

Posted at Apr 14 2021 05:37 PM | Updated as of Apr 14 2021 07:04 PM

Patuloy na pagtambak ng dolomite sa Manila Bay pinuna 1
Patuloy na tinatambakan ng crushed dolomite ang bahagi ng Manila Bay nitong Abril 14, 2021. George Calvelo, ABS-CBN News

Binatikos ng ilang grupo ang patuloy na pagtatambak ng gobyerno ng crushed dolomite sa bahagi ng Manila Bay sa kasagsagan ng pagsipa ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.

Kinuwestiyon ng grupong Oceana Philippines kung bakit pa dinagdagan ang nasabing "dolomite beach" gayong nasira na ang unang tambak sa lugar noong nakaraang taon.

"Hindi mo mapigilan 'yung ano ng waves kung may storm surges, no amount of infrastructure or rocks na nilagay nila ay hindi maanod," ani Oceana Vice President Gloria Ramos.

Watch more on iWantTFC

Inihirit ng grupo ng mangingisdang Pamalakaya na second dose ng bakuna at hindi second dose ng dolomite ang kailangan ng mga tao.

Labas din umano ito sa utos ng Korte Suprema na rehabilitasyon ng Manila Bay.

"Dapat i-rehabilitate ang Manila Bay, i-rehab, ibalik sa dating pangisdaan at ligtas na languyan. Wala pong sinabi ang Supreme Court na tambakan ng dolomite," ani Pamalakaya Chairman Fernando Hicap.

Ayon kay Environment Undersecretary Jonas Leones, 2019 pa inilaan ang pondo para sa "dolomite beach" project kaya hindi na puwedeng itigil.

"Ito na 'yong budget na in-allocate ng Congress, ito na 'yung nai-award na sa contractors na gagawa, tapos puputulin natin eh magkakaroon tayo ng problema doon," ani Leones.

Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, inaasahang matatapos ang proyekto sa Hunyo o Hulyo pero hindi pa agad ito bubuksan sa publiko para maiwasan ang pagdagsa, na maaaring maging sanhi ng pagkalat ng COVID-19.

-- Ulat ni April Rafales, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.