Tangke ng LPG, sumabog, nagdulot ng sunog | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

News

Tangke ng LPG, sumabog, nagdulot ng sunog

Tangke ng LPG, sumabog, nagdulot ng sunog

ABS-CBN News

 | 

Updated May 23, 2017 07:14 PM PHT

Clipboard

Malubha pa rin ang kondisyon ni Enrique Camus Jr., 50, ang padre de pamilya ng mag-anak na nasabugan ng 'super kalan' sa Caloocan. Retrato mula kay Geraldine Ocampo para sa ABS-CBN News

Hirap pa rin umanong makausap si Elizabeth Camus, 47, matapos ang tinamong 4th degree burns sa pagsabog ng 'super kalan.' Retrato mula kay Geraldine Ocampo para sa ABS-CBN News

Trauma ang iniwan ng pagsabog kay Rizalyn Camus, 24, panganay ni Enrique. Retrato mula kay Geraldine Ocampo para sa ABS-CBN News

Trauma rin ang iniwan ng pagsabog kay Enrique III, 24, panaglawang anak ni Enrique. Retrato mula kay Geraldine Ocampo para sa ABS-CBN News

Birthday ni tatay nauwi sa trahedya

MAYNILA - Lapnos ang balat at halos di na makilala ang mga miyembro ng isang pamilya sa Bagong Silang, Caloocan City matapos silang masabugan ng maliit na tangke ng LPG nitong nakaraang Sabado, ika-20 ng Mayo.

Nasa kusina ang pamilya at nag-aayos ng mga rekados na panghanda sa ika-50 kaarawan ng kanilang padre de pamilya na si Enrique Camus Jr., isang traffic enforcer, nang sumabog ang maliit na tangke ng LPG.

Kulob ang kusina kaya malakas ang tama ng sumabog na maliit na tangke ng LPG. Fourth-degree burns ang tinamo nina Enrique, ng kanyang maybahay na si Elizabeth, 47, mga anak na sina Rizalyn, 24, at Enrique III, 21, gayundin ang kanyang ina na si Marcina, 70.

"'Yung pamangkin kong lalaki nung lumabas na, garter na lang ng brip 'yung natirang suot. 'Yung pamangkin kong babae naman punit na salawal na lang 'yung natira," ani Geraldine Ocampo, hipag ni Enrique na una nang kumausap sa mag-ának.

ADVERTISEMENT

Larawan ng pamilya Camus bago ang nangyaring pagsabog. Mga retraro mula kay Geraldine Ocampo para sa ABS-CBN News

Kuwento naman ni Enrique, hindi niya alam na may singaw ang nakuha nilang maliit na tangke ng LPG na sadyang binili para mapabilis ang paguluto ng mga panghanda ng mag-anak.

"Nilagyan namin ng burner. 'Yung burner na nilagay namin, mahina 'yung apoy. Pinalitan ulit namin 'yung burner nung nagpalit kami ng ng burner sumingaw ng napakalakas dapat nagla-lock yun," kuwento ni Enrique.

"Ang ginawa ko 'yung dalawang burner na nakasindi, pinuntahan ko agad para patayin 'yung apoy para di na maamoy ng sumingaw na [maliit na tangke ng LPG]. Pero huli na... sumabog na," dagdag pa niya.

Dahil sa pagsabog, napinsala din ang bahay ng pamilya. Hindi pa ito mapasok ngayon para malinis dahil amoy na amoy pa ang nasunog na LPG at ang ilang pagkaing panghanda sana pero nabulok na lang, ayon kay Ocampo.

Trauma sa pagsabog

Kuwento ni Ocampo, nakakausap naman na ang mag-anak pero mahaba-habang gamutan pa ang kailangan nilang pagdaanan, lalo't matindi ang sunog na inabot ng mga ito.

Nag-iwan naman aniya ng trauma ang pangyayari kina Rizalyn at Enrique III. Madalas daw ay napapasigaw ang mga ito sa kaunting kalabog ng pinto sa pag-aakalang may sumabog. Mistula rin umanong nananaginip ng masama ang mga ito sa gabi.

"Tahimik, minsan sumisigaw, parang nananag-inip dahil sa pangyayari. 'Yung pamangkin kong si Enrique III, tinatanong niya lagi kung babalik pa sa dati ang mukha niya," kuwento ni Ocampo.

Samantala, nang mangyari ang pagsabog, tiyempo namang nasa banyo ang bunsong anak ni Enrique na si Rinalyn. Bagama't hindi malubha, nagtamo ang 15 anyos ng 1st degree burns sa kaliwang binti na kanyang nakuha nang siya'y tumakbo palabas ng bahay.

Siya ngayon ang isa sa mga nagbabantay sa kanyang pamilya. Ani Rinalyn, tinatatagan na lang niya ang kanyang loob kahit pa mahirap sa kanyang tingnan ang kondisyon ng mga mahal sa buhay.

Bahagi ng nasunog na binti ni Rinalyn na kanyang natamo nang siya ay palabas na ng bahay matapos ang pagsabog. Patrick Quintos, ABS-CBN News

Nang kunan ng mensahe para sa kanyang pamilya na nabiktima ng pagsabog, sabi ni Rinalyn: "Tatag lang po, laban po."

Umaapela naman ng tulong ang pamilya Camus, lalo na sa gamot, benda, at sa iba pang gastusin gayung mahaba ang proseso ng pagpapagaling ng mag-ának.

Sa ngayon, nagpapalitan muna ng bantay ang mga kamag-anak ng pamilya Camus habang naghahanap ng paraan para mapunan ang kanilang mga gastusin.

Paano umiwas sa sunog mula sa LPG

Isa umano sa mga sanhi ng sunog sa Metro Manila ang pagtagas ng LPG sa mga bahay, ayon kay Senior Inspector Gilbert Valdez, ang fire safety officer ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Maaaring dahilan nito ay ang kalumaan ng tangke o ang kapabayaan ng mga gumagamit.

Payo ng BFP, suriing mabuti ang mga bibilhing LPG tank. Tingnan kung may kalawang na ang ilalim ng LPG dahil indikasyon ito na hindi naaalagaan ang tangke.

Siguruhing may maayos na ventilation o daluyan ng hangin o may bukas na bintana sa paglalagyan ng tangke.

Delikado din umano ang mga tangkeng hindi branded.--kasama ang ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

ABS-CBN is the leading media and entertainment company in the Philippines, offering quality content across TV, radio, digital, and film. Committed to public service and promoting Filipino values, ABS-CBN continues to inspire and connect audiences worldwide.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

© 2025 ABS-CBN Corporation. All Rights Reserved.

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.