PatrolPH

Mon Tulfo pansamantalang nakalaya matapos magpiyansa sa kasong cyber libel

Johnson Manabat, ABS-CBN News

Posted at May 19 2022 07:09 PM

Pansamantalang nakalaya ang broadcaster at kolumnistang si Ramon "Mon" Tulfo matapos arestuhin nitong Miyerkoles dahil sa kasong cyber libel, ayon sa kaniyang abogado.

Sa panayam sa telepono, sinabi ni Atty. Oscar Sahagun na bandang alas-4 ng hapon ngayong Huwebes nang lumabas mula sa pagkakadetene si Tulfo.

“Mabuti naman, nakalaya na si Mon. Siguro mga past 4 na. Oo, nag-bai. Tinaasan ni judge… 'yung [piyansa] P10,000, ginawang P40,000. Dito sa Branch 24, ginawang kuwarenta kasi nag-motion 'yung abogado ni (dating Justice) Sec. (Vitaliano) Aguirre. Taasan daw, so ginawa niyang kuwarenta,” ani Sahagun.

Paliwanag ng abogado, inihirit ng kampo ni Aguirre na maitaas pa sa P40,000 ang piyansa ng kaniyang kliyente dahil sa hindi nito pagdalo sa mga naunang schedule ng hearing.

Pero paliwanag ni Tulfo sa pamamagitan ng kanyang abogado, wala naman siyang natanggap na notice mula sa korte.

Sa Lunes ng umaga ay magkakaroon na ng hearing sa kaso para sa pre-trial.

Sabi ni Sahagun, maayos naman ang kalagayan ni Tulfo at nakauwi na sa kanilang bahay.

Inaresto si Tulfo sa bisa ng arrest warrant mula sa sala ni Judge Maria Victoria Soriano-Villadolid ng Manila RTC Branch 24 dahil sa umano’y paglabag sa Section 4 (c)(4) ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012. 

Nag-ugat ang cyber libel case sa kaniyang column sa pahayagan kung saan inakusahan nito si Aguirre na umano’y protektor ng mga sindikatong nasa likod ng tinaguriang “pastillas” scam sa NAIA, na mariin namang itinanggi noon ng dating kalihim.

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.