'Bato' di angkop na hepe ng BuCor: grupo | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Bato' di angkop na hepe ng BuCor: grupo

'Bato' di angkop na hepe ng BuCor: grupo

ABS-CBN News

 | 

Updated May 09, 2018 09:54 PM PHT

Clipboard

Hindi angkop mamuno bilang bagong hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) si Undersecretary Ronald dela Rosa, idiniin ng grupong In Defense of Human Rights and Dignity Movement (iDEFEND).

Ito ay base umano sa naging marahas na paraan ni Dela Rosa sa pagsugpo sa talamak na kalakalan ng ilegal na droga sa bansa sa kanyang panahon bilang hepe ng Philippine National Police (PNP).

Anila, hindi ito tugma sa isang "reform institution" tulad ng BuCor na may layuning maitama at mapagbago ang mga bilanggo.

“[He does] not belong in a reform institution kasi di ba restorative nga tayo, ang track record niya is actually punitive, violent, at 'yun ang in-implement niya," ayon kay Ellecer Carlos, tagapagsalita ng iDEFEND.

"Kapag sinabi mong restorative justice o reforms ay pagmomolde mo sa tao upang sa ganu'n ay maging mas maayos siyang miyembro ng komunidad,” dagdag ni Carlos.

Dahil dito, hindi maiwasan na mangamba ang mga human rights group para sa kapakanan ng mga bilanggo sa ilalim ng pamuno sa BuCor ni Dela Rosa.

Matatandaang sorpresang binisita at ininspeksiyon ni Dela Rosa noong Linggo ang medium at maximum security compound ng Bilibid upang tingnan ang mga maaari niyang tutukan.

Sa tala ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) tinatayang umaabot na sa higit 131,000 ang bilang ng mga bilanggo sa buong bansa.

ADVERTISEMENT

Watch more in iWantv or TFC.tv

Dela Rosa, 'drug lords' nagharap

Samantala, binisita naman ni Dela Rosa nitong Miyerkoles ang walong high-profile inmates na nakapiit sa Armed Forces of the Philippines (AFP) custodial center sa Camp Aguinaldo.

Ayon kay Dela Rosa, mas maayos ang latag ng seguridad sa AFP custodial center, dahilan para hindi na irekomenda na mailipat pa ang mga ito sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa.

Bagama't mas malaki ang gastos ng BuCor sa walong high-profile inmates, walang balak si Dela Rosa na ilipat ang mga ito sa Building 14 ng Bilibid dahil may mga preso roon na may "banta" umano sa mga buhay nila.

Guwardiyado ng nasa 60 jail guard at mga sundalo ang walong inmate.

Kabilang sa mga binisita ni Dela Rosa sa AFP custodial center ang mga high-profile inmate na nagsilbing state witness sa kasong illegal drug trading ni Senator Leila de Lima.

--May ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.