Ulo ng tao, natagpuan sa Ilog Pasig

April Rafales, ABS-CBN News

Posted at May 10 2017 02:14 AM | Updated as of May 10 2017 02:51 AM

Nakita ng isang bata ang inaanod na supot na may nakalabas na tila ulo ng tao sa Ilog Pasig na sakop ng Baseco Compound sa Maynila. Larawan mula kay Senior Insp. Randy Veran.

Natagpuan ang naagnas na ulo at mga laman-loob ng isang tao na nakasilid sa supot sa Ilog Pasig na sakop ng Baseco Compound sa Maynila, pasado alas-5 ng hapon Martes.

Kwento ng isa sa mga unang nakakita na si Rodolfo Serdoncillo, namamangka siya sa ilog nang may batang namumulot ng mga basura ang sumigaw sa 'di kalayuan. 

Nakita kasi ng naturang bata ang inaanod na supot na may nakalabas na tila ulo ng tao. 

Pinagkaguluhan ito ng mga tao at inireport sa pulisya. Nang buksan ang supot ay tumambad ang naagnas at nangangamoy nang ulo ng tao at mga laman-loob.

Noong Lunes natagpuan din sa bahaging iyon ng Ilog Pasig ang putol na kanang kamay at braso ng tao pero 'di pa matukoy ng pulisya kung iisang tao ang may-ari ng ulo at kamay. 

Ayon kay police Senior Insp. Randy Veran, posibleng nanggaling sa ibang lungsod ang mga parte ng katawan na inanod lamang ng ilog papunta sa kanilang lugar. Wala naman umanong naireport na nawawalang tao sa lugar.

Payo niya sa mga may nawawalang kamag-anak na nais kilalanin ang ulo na magtungo sa Homicide Section ng Manila Police District Headquarters.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.