Umabot sa ika-apat na alarma ang sunog sa Pritil Market sa Manila. Champ de Lunas, ABS-CBN News.
Tinupok ang mahigit 600 stalls o tindahan sa Pritil market sa Tondo, Maynila, gabi ng Biyernes.
Naiulat ito at itinaas ang first alarm bandang alas-10:43 ng Biyernes.
Sa tindi ng sunog, itinaas na ang ika-apat na alarma dakong alas-11:14.
Base sa inisiyal na imbestigasyon ng Manila Fire District, sa ground floor ng meat section nagmula ang apoy.
Ayon kay Sr. Inspector Alejandro Ramos, chief ng intelligence at investigation section ng Manila Fire District, puno ng mga mabilis masunog na mga gamit ang palengke kaya tumagal ang kanilang pag apula sa apoy.
Nabigla naman ang residente at tindero sa palengke na si Mang Cipriano sa bilis ng paglaki ng apoy.
"Alam naman natin kapag ang palengke po may mga kaunting masasabi natin flammable material light material po naririnig din po natin mga pagsabog so meron din po silang natatabing mga LPG kaya po biglang laki ang sunog," ani Ramos.
Bago mag alas-4 ng madaling araw ng Sabado idineklarang kontrolado na ang sunog. Tuloy naman ang mopping operation ng mga bumbero hanggang tuluyan nang maapula ito.
Sa ngayon ay inaalam pa ng Manila Fire District ang halagang napinsala at maging ang sanhi ng sunog.
Hinihintay din ng mga tindero ng natupok na pwesto ang tulong ng Manila LGU para hindi mawala ang kanilang hanap-buhay.
-- Ulat ni Champ De Lunas, ABS-CBN News
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.