Total lockdown ng Cavite di na matutuloy: governor

ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2020 04:54 PM | Updated as of Apr 29 2020 09:21 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi na matutuloy ang dapat sana ay 2 linggong total lockdown ng buong lalawigan ng Cavite, sabi ngayong Miyerkoles ni Governor Jonvic Remulla.

Binawi ng gobernador ang planong total lockdown matapos umanong mapagtanto na hindi kakayanin ng mga lokal na pamahalaan na suportahan ang pagkain ng mga taga-Cavite sa loob ng 15 araw.

Humingi ng paumanhin si Remulla sa naging kalituhan.

"Ako talaga ang nagkamali doon," aniya.

Ipinaliwanag din ni Remulla na isinaalang-alang niya na hindi lahat ng taga-Cavite ay may kakayahang mag-imbak ng pagkain.

Hindi na rin umano aabot ang pondo ng mga lokal na pamahalaan para pakainin ang 4.5 milyon residente ng lalawigan.

Sa halip, calibrated community quarantine na lang ang ipatutupad sa lalawigan mula Mayo 1 hanggang Mayo 15, kung saan mahigpit ang pagpapatupad ng physical distancing.

Ipagbabawal din umano ang paglabas ng bahay, pagpunta sa mga pampublikong lugar nang walang face mask, at paggamit ng quarantine pass para tumawid sa mga bayan at lungsod.

Minimum tolerance umano ang paiiralin ng mga awtoridad at aarestuhin ang sino mang mahuhuling lumalabag sa mga patakaran.

Sa bayan ng Noveleta, dahil kapos na sa pondo ang local government, inihayag ni Mayor Dino Chua na ido-donate na lang niya ang 2 taong sahod niya katumbas ng higit P2 milyon.

Sa huling tala, nasa 169 ang positibo sa COVID-19 sa Cavite, kung saan 23 ang namatay. -- Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN news

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.