2 holdaper patay matapos umanong manlaban sa Davao City

Bonna Pamplona, ABS-CBN News

Posted at Apr 29 2018 12:48 AM

DAVAO CITY—Patay nitong Sabado ang 2 pinaghihinalaang holdaper sa isinagawang manhunt ng Talomo Police matapos ang sunod-sunod na robbery-holdup.

Napatay ng mga pulis ang isang Cris Tamboboy, 28, at isa pang kasama nitong lalaki na inaalam pa ang pagkakakilanlan.

Ayon kay Chief Inspector Ronald Lao, hepe ng Talomo Police, bigla umanong bumunot ng baril at nagpaputok ang mga suspek nang aarestuhin na sana sila ng mga pulis.

Naitakbo pa ng mga pulis sa ospital ang 2 suspek pero idineklara silang dead on arrival.

Sabado ng madaling araw, unang nabiktima ng holdup ang mag-asawang Dioriza at Raymund Baquial at tinangay ang kanilang mga gadget.

Nabiktima rin ng holdup ang isang 15-anyos na lalaki Biyernes ng gabi kung saan nakuha ng mga suspek ang P2,000 sa tinedyer.

Parehong kinilala ng mga biktima and 2 napatay na suspek na nang-holdup sa kanila.

Narekober ng Talomo Police ang isang kalibre-.45 na armas, isang kalibre-.38 na revolver, 5 sachet ng pinaghihinalaang shabu sa mga suspek, at ang iPad ni Baquial.

Kasalukuyang tinutugis ang isa pang kasamahan ng mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.