PatrolPH

Babaeng magpapa-load lang sana sa tindahan, patay sa pamamaril sa Ilocos Sur

ABS-CBN News

Posted at Apr 28 2021 08:41 PM

CABUGAO - Patay ang isang babe matapos itong pagbabarilin sa Barangay Pug-os sa bayan ng Cabugao, Ilocos Sur nitong Martes ng gabi.

Base sa imbestigasyon ng Cabugao Police Station, naglalakad daw ang 47-taong biktima papunta sa isang tindahan para magpa-load nang mangyari ang pamamaril.

Ayon kay Police Major Franco Catalan, hepe ng nasabing estasyon, ang biktima ay inabangan ng suspek.

"Naglalakad itong biktima habang ang suspek ay naghihintay na nakatago sa mga damuhan sa gilid ng kalsada," sabi ni Catalan.

KAUGNAY NA BALITA: 

Watch more on iWantTFC

Nagtamo ng 6 na tama ng baril sa binti at balikat ang biktima.

Isinugod naman siya sa ospital pero binawian ng buhay habang ito ay ginagamot.

Ang suspek ay mismong bayaw at kapitbahay ng biktima, ayon sa pulisya.

Nasabi pa raw ng biktima sa mga taong nagsugod sa kanya na ang bayaw niya ang bumaril sa kanya.

Agad namang nahuli ang suspek.

Sabi ni Catalan, ang biktima at suspek ay parehong sumuko sa mga awtoridad noong taong 2016 dahil sa iligal na droga.

Ang dating pagkakasangkot umano ng dalawa sa iligal na droga ang pangunahing pinag-aaralang anggulo sa pamamaril.

- Ulat ni Grace Alba

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.