Lumang tulay sa Bohol, bumagsak; 4 patay | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Lumang tulay sa Bohol, bumagsak; 4 patay

Lumang tulay sa Bohol, bumagsak; 4 patay

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 28, 2022 09:32 PM PHT

Clipboard

Bumagsak ang dating tulay ng Loay o Clarin Bridge Miyerkules ng hapon. Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente. Abril 27, 2022. Courtesy: Kleniel Wate.
Bumagsak ang dating tulay ng Loay o Clarin Bridge Miyerkules ng hapon. Inaalam pa ng mga awtoridad ang sanhi ng insidente. Abril 27, 2022. Courtesy: Kleniel Wate.

MANILA (UPDATED) – Patay ang 4 katao habang 17 naman ang sugatan matapos bumagsak ang lumang tulay ng Loay o Clarin Bridge sa Bohol Miyerkoles ng hapon.

Kabilang sa mga nasawi ang Austrian national na si Michael Ouschan, habang sugatan naman ang 30-anyos na asawa nito, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Kinilala ang iba pang namatay sa aksidente na sina Arniel Cilos, Emilia Gemina, at Epifhany Onada.

Taga-Bohol ang karamihan sa mga nasugatan, pero may iilan na kinilalang residente ng Metro Manila, Cavite, at Cebu City.

ADVERTISEMENT

Ayon sa Bohol Police Provincial Office, nangyari ang pagbagsak ng tulay na nasa Barangay Poblacion sa Ubos, Loay, alas 4:18 ng hapon.

Ilang sasakyan ang sabay na nahulog sa ilog, kung saan ilan sa mga ito ay nadaganan ng bahagi ng bumagsak na tulay.

Watch more News on iWantTFC

Nasa 20 naman ang nailigtas na, ayon sa alkalde.

May mga Bayan Patroller na nakakuha ng video at retrato sa pangyayari.

Lulan ng motorsiklo galing sa palengke si Bayan Patroller Joanna Caintoy pauwi sa kanilang bahay nang mangyari ang insidente.

Umiiyak siya at nanginginig dahil nasaksihan niya mismo ang pagbagsak ng tulay sa ilog at pagkahulog ng mga sasakyan.

"Nagulat ako at natakot nang makita ang nangyari. Nagpapasalamat ako at hindi ako pinabayaan ng Panginoon," sabi ni Caintoy.

May kuha rin si Bayan Patroller Kleniel Wate.

Malapit sa kaniyang lugar na pinagtrabahuhan ang lugar ng pinangyarihan kaya na-dokumento niya ito.

"Nagulat ako dahil sa lakas ng bagsak ng tulay. Natakot ako baka may mga kamag-anak ako o kakilala ang nandoon," sabi ni Wate.

Watch more News on iWantTFC

"Nakita ko pa ’yung sasakyan nasa ibabaw pa, tapos biglang nahulog."

Sabi nina Caintoy at Wate, nakita nilang nakuha ng mga rescuer ang dalawang tao mula sa ilog.

Patuloy ang rescue operations ng mga awtoridad sa lugar at inaalam na rin ang sanhi ng pagbagsak ng tulay.

Pero posibleng naapektuhan ang tibay ng tulay matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette noong Disyembre ng nakaraang taon.

Noon pang dekada '40 itinayo ang nasabing tulay at dumaan ito sa malawakang pagsasaayos nito noong dekada '70.

Mayroong bagong tulay sa tabi ng bumagsak na Clarin Bridge pero patuloy pa ang konstruksyon nito at tanging mga tao pa lamang ang mga nakakadaan.

Sinimulan ang pagtatayo ng bagong tulay noong 2017.

Nakiramay naman ang Malacañang sa mga naulila ng naturang aksidente, at ipinagdarasal daw nito ang agarang paggaling ng mga nasugatan.

"We express our condolences to the families of the victims who perished with the collapse of a bridge in Loay town in Bohol. We likewise pray for the swift recovery of those who got injured," ani presidential spokesperson Martin Andanar.

"Authorities are currently conducting an investigation even as we assure everyone, especially affected residents and communities, of government assistance," dagdag pa niya.

– Ulat nina Annie Perez, Hernel Tocmo, John Dx Lapid, at Jacque Manabat

KAUGNAY NA ULAT

Watch more News on iWantTFC

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.