SUV na may nakapaskil na 'do not delay' mga alak pala ang dala; 2 lalaki timbog

Jekki Pascual, ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 04:17 PM

MAYNILA — Timbog noong Sabado sa Binondo ang 2 lalaki na naaktuhan sa checkpoint na may bitbit na dose-dosenang bote ng alak sa gitna ng alcohol ban kasabay ng enhanced community quarantine kontra COVID-19. 

Ayon kay Police Capt. Leo Labrador, hepe ng Juan Luna police community precinct, nakabantay ang mga pulis sa checkpoint sa may kanto ng Juan Luna at Meisic Street sa Binondo nang dumating ang isang puting SUV na may sakay na 2 lalaki. 

May nakapaskil sa SUV na "Do Not Delay" at "Shuttle Service" ng isang kompanya pero napansin ng mga pulis na may mga bote ng alak sa likod ng sasakyan. 

Hiningan ng dokumento ang 2 lalaki, pero wala silang maipakitang quarantine pass man lang. 

Agad silang inaresto at dinala sa Manila Police District Station 11. 

Nakumpiska ang 21 bote ng 1 liter brandy at meron din 23 bote ng 500 ml na beer. 

Nakatakdang kasuhan ang 2 suspek dahil sa sari-saring paglabag. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.