19 manggagawa nakauwi na matapos ma-stranded sa Boracay

ABS-CBN News

Posted at Apr 26 2020 08:23 PM

Nakauwi na noong Sabado sa kani-kanilang mga pinanggalingang bayan ang 19 manggagawa matapos ma-stranded sa Boracay island bunsod ng mahigpit na border restrictions sa mga probinsiya sa Western Visayas.

Sa tulong ng public employment service office (PESO) at lokal na pamahalaan ng Malay, Aklan — na nakakasakop sa Boracay — nabigyan ng travel pass ang mga manggagawa para makauwi sa kanilang mga pamilya sa Pandan, Antique at Numancia, Aklan.

Pitong manggagawa mula sa kabuuang 1,200 na-stranded ang nakatakdang umuwi sa Balete, Aklan sa Martes, sabi ni Malay Acting Mayor Frolibar Bautista.

"Dapat itong mga stranded, kumuha muna sila ng certification sa kanilang barangay o municipality na tanggapin sila doon kasi nalagay ko sa travel pass na once nakaalis sila ng Malay, hindi na sila makababalik dito," ani Bautista.

Patuloy umanong ang pakikipag-ugnayan ng Malay PESO sa mga lokal na pamahalaan para matulungang makauwi ang stranded workers.

Bagaman napagbigyan ang ilang manggagawa, sarado pa rin ang borders ng Antique, Capiz, at Iloilo.

Nagpadala naman ng pera at relief packs ang iba't ibang provincial government sa Western Visayas region sa mga na-stranded na manggagawa, ayon kay Bautista.

Humingi rin ng pag-unawa sa stranded workers si Antique Governor Rhodora Cadiao.

"Antay-antayin lang nila. Hihingi ako ng permission sa may IATF (Inter-agency Task Force) Region 6 kung... kahit pakaunti-kaunti, makapasok sila," ani Cadiao.

Naka-lockdown ang maraming bahagi ng Visayas upang makontrol ang pagkalat ng coronavirus disease.

-- Ulat ni Cherry Palma, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.