Lalaking nahawa ng COVID-19 sa sabungan pangakong titigil na sa sugal | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Lalaking nahawa ng COVID-19 sa sabungan pangakong titigil na sa sugal

Lalaking nahawa ng COVID-19 sa sabungan pangakong titigil na sa sugal

Hernel Tocmo,

ABS-CBN News

Clipboard

DAVAO CITY - Laking pasalamat ng isang lalaki sa Diyos at sa mga frontliner sa kaniyang paggaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) noong Abril 18 matapos mahawa sa sabungan dito sa siyudad.

Pangako niya, hindi na muling babalik pa sa sugal.

Si William Gonzales ay ang pinakaunang COVID-19 patient sa General Santos City. Pero ayon sa kaniya, nahawa siya sa Davao City sa pagdalo ng dalawang araw na 6-cock derby sa New Davao Matina Gallera noong Marso.

Itinuturing na ground zero ng COVID-19 ang malaking sabungan sa Davao City, dahil base sa datos ng Department of Health Region XI, 26 sa COVID-19 cases sa Davao Region ang may exposure sa sabungan sa Matina.

ADVERTISEMENT

Iniuugnay din sa Matina Gallera ang ilan sa mga COVID-19 cases sa North Cotabato, Maguindanao, Lanao del Norte, Bukidnon, Butuan at General Santos City.

Kuwento ni Gonzales, naengganyo raw siya sa malaking premyo ng sabong na aabot sa P26 milyon ang kabuuang ipinamigay.

"Pero bago pumasok 'yung mga tao doon, tine-test naman. Wala akong napansin, pero siyempre minsan 'yung sigaw-sigaw ba, yung mga laway siguro," sabi niya.

Hindi pa matukoy ni Gonzales kung kanino niya nakuha ang virus dahil sa napakaraming tao sa sabungan.

Tatlong araw mula ng kaniyang pagdalo sa sabong, Marso 15, nakaramdaman na siya ng mga sintomas ng COVID-19.

"Wala kang ganang kumain, parang umuubo-ubo ka na, parang lalagnatin ka na. Ako na mismo nagpunta doon sa ospital, ako na ang nagpa-admit," ayon kay Gonzales, na nagpositibo sa test ilang araw matapos maramdaman ang sintomas.

Agad na nai-isolate si Gonzales at nag-alala sa kaniyang pamilya. Kumapit umano siya sa Panginoon pero hindi umano maiwasang panghinaan ng loob na baka hindi niya malampasan ito kaya't namamaalam na siya sa kaniyang kapamilya.

Dumagdag sa kaniyang kalungkutan ang mga paninira at hindi magandang sinasabi ng mga tao at ng netizens sa social media.

"Lakas ng loob talaga, at panalangin. 'Yung gusto mo na mabuhay ba. Hindi puwede pa-hina-hina. Pero minsan, hindi mo maiwasan, nenerbiyusin ka, marami kang iniisip na baka isa sa pamilya mo na magka-ganoon," saad niya.

Itinuturing niyang milagro ang pagkakaligtas mula sa COVID-19 dahil sa aniya, hindi maganda ang resulta ng kaniyang mga test noon.

Pero pagkatapos ng higit 20 araw sa isolation facility, siya'y gumaling at laking pasalamat niya sa gobyerno dahil sinagot na nito ang hospital bill na aabot sa mahigit P700,000.

Kung may magandang naidulot sa kaniya ang karanasan, ito ay ang kaniyang desisyon na mas maging malapit sa Panginoon, at ang tuluyan nang paghinto sa sugal at sabong.

"Siyempre 'yung nangyari sa akin, parang talagang nadaanan ko na 'yun, siyempre para maghinto na ako sa sabong, sa mga sugal-sugal kasi parang nakikita ko na hindi maganda," sabi niya.

Mensahe niya sa mga patuloy pang nagpapagaling sa COVID-19 na tatagan ang loob, magdasal, at huwag sumuko sa buhay.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.