2 patay sa engkuwentro sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Apr 25 2018 06:00 AM

MAYNILA—Patay ang 2 lalaki matapos umanong makipagbarilan sa mga pulis sa Calamba City, Laguna Miyerkoles ng madaling araw.

Isa sa nasawi ay kinilalang si Christopher Manjares Gonce habang inaalam pa ang pagkakakilanlan ng kaniyang kasamahan.

Ayon kay Senior Supt. Kirby John Kraft, director ng Laguna Provincial Police Office, nagsagawa ng buy-bust operation ang Calamba City police laban sa 2 lalaki.

"Ayon sa barangay dayo lang, bagong salta sa lugar. Rumenta ng maliit na barong-barong," aniya.

Nahalata umano ng mga lalaki na pulis ang kanilang katransaksiyon, ani Chief Supt. Reynaldo Maclang, hepe ng Calamba City police.

Nagpaputok umano ang mga lalaki sa mga pulis na nagresulta sa engkuwentro.

Tinamaan si Gonce at ang kasamahan nito na dahilan ng kanilang pagkamatay.

Nakuha mula sa kanila ang isang kalibre .38 na baril at isang improvised M203. - ulat ni Maan Macapagal, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.