PatrolPH

Occidental Mindoro pinag-aaralang kasuhan ang power supplier, distributor

ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2023 01:01 PM | Updated as of Apr 24 2023 07:37 PM

Watch more News on iWantTFC

Pinag-aaralan ng pamahalaang panlalawigan ng Occidental Mindoro na magsampa ng kasong economic sabotage sa power supplier at distributor dahil sa patuloy na nararanasang krisis sa kuryente sa probinsiya.

Sinabi ngayong Lunes ni Occidental Mindoro Governor Eduardo Gadiano na hindi nabibigay ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) ang tamang serbisyo base sa kanilang kontrata.

"Kung hindi nako-comply [ang requirements], ibig sabihin, lumalabas hindi sila interesado tapos ang mangyayari niyan, nasa amin ang burden... kami 'yong naghihirap tulad ngayon, 4 hours na lang kami [may] kuryente. Sabi ko, baka puwede ireklamo para sa economic sabotage 'yang ginagawa nilang 'yan," ani Gadiano.

"Ang laki ng paghihirap namin sa economic sector, sa health sector, education sector, agricultural, tourism, sa lahat eh," dagdag niya.

Pero noong Linggo, nakatikim ang mga taga-Occidental Mindoro ng hanggang 8 oras na kuryente.

Ayon kay OMECO General Manager Celso Garcia, nagkaroon kasi ng excess o sobrang supply ang Oriental Mindoro Electric Cooperative (ORMECO) kaya nakapagsuplay sa kanila.

Pero ngayon aniya'y balik muli sa 4 na oras ang kuryente dahil wala nang excess ang ORMECO.

Ayon kay Gadiano, kahit may naibigay na sobrang supply ng kuryente ang Oriental Mindoro, mahaba pa rin ang brownout.

Marami na aniyang inilatag na plano para madagdagan ang planta sa probinsiya pero hanggang ngayo'y naghihintay pa rin sila.

"Lahat naman fina-follow up hanggang sa presidente, napaabot na rin natin. Kailangan mag-materialize lahat noong plano," sabi ng gobernador.

Nauna nang isinailalim sa state of calamity ang Occidental Mindoro bunsod ng krisis sa kuryente.

— Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.