School building sa Zamboanga City natupok dahil umano sa paglalaro ng apoy

RJ Rosalado, ABS-CBN News

Posted at Apr 24 2019 01:39 PM

Aabot sa P1.7 milyong halaga ng kagamitan ang nasira ng sunog na pinaniniwalaang nag-ugat sa paglalaro ng apoy ng ilang bata. RJ Rosalado, ABS-CBN News

Nasunog ang isa sa mga school building ng Talabaan Elementary School sa Zamboanga City pasado alas-3 ng hapon noong Martes.

Ayon kay Fire Supt. Jhufel Brañanola, district fire marshal ng Zamboanga City, sinabihan sila ng ilang nakasaksi na may tatlo umanong bata na naglalaro ng posporo sa loob ng campus nang mangyari ang sunog. 

Ayon sa isang nakasaksi na si Arafat Hannan, napansin niya ang tatlong bata na naglalaro ng apoy sa loob ng eskuwelahan nang biglang kumapal ang usok. 

Nakita niya rin umanong kumaripas ng takbo ang tatlo papalabas ng paaralan nang kumakapal na ang apoy sa lugar. 

Agad na dumating ang mga bombero pero natupok na ng apoy ang apat na classroom ng gusali sa loob ng 20 minuto. 

Kasama sa natupok ang ilang libro, school records at ibang pasilidad. Aabot sa P1.7 milyon ang pinsala ng sunog. 

Inaalam pa ng mga bombero kung pumasok sa loob ng school building ang mga bata habang pinaglalaruan ang posporo dahil bakasyon sa paaralan nang mangyari ang insidente.

Ayon naman sa punong-guro na si Yusop Tahil, lalong nagkulang ang kanilang mga silid-aralan matapos ang sunog kaya 
maaari raw silang magpatupad ng pagbabago sa schedule sa darating na school year. 

Hihingi rin sila ng tulong sa pamahalaan para sa mga makeshift classroom ng mga estudyante. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.