3 patay, 1 sugatan sa pananaga sa Talisay City

Jude Torres, ABS-CBN News

Posted at Apr 19 2018 03:11 PM | Updated as of Apr 19 2018 03:47 PM

TALISAY CITY, Cebu - Isa ang sugatan habang tatlo naman ang patay nang pagtatagain ng isang dating adik ang kaniyang mga kasamahan sa loob ng isang bahay sa Barangay Cansojong dito sa lungsod, Huwebes.

Patay ang mga biktimang sina Thomas Woodruff, 24, at Ervin Enilo, 38, at maging ang 38-anyos na suspek na si Archie Abastillas.

Nadala pa at nagpapagaling sa ospital ang isa pang 24-anyos na biktima na si Lendon Carpreso.

Ayon sa mga pulis, ang 4 na sangkot sa insidente ay mga dating adik na sumasailalim sa "after care program" ng pamahalaan.

Base sa inisyal na imbestigasyon, inupahan ng 4 ang bahay noong Lunes.

Nakarinig ng kaguluhan ang mga kapitbahay pasado hating gabi, at nang sumikat ang araw ay tumambad sa kanila ang madugong crime scene.

Ayon sa mga opisyal, gumamit si Abastillas ng butcher's knife upang pagtatagain ang kaniyang mga kasamahan.

Matapos gawin ang krimen, kinitil ng suspek ang sariling buhay sa pamamagitan ng paglalaslas, sabi ng mga pulis.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.