2 patay na pangolin, nakumpiska mula sa Taiwanese | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

2 patay na pangolin, nakumpiska mula sa Taiwanese

2 patay na pangolin, nakumpiska mula sa Taiwanese

Chinee Palatino,

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 19, 2017 11:09 PM PHT

Clipboard

PUERTO PRINCESA CITY - Nasabat ng awtoridad ang dalawang patay na balintong o pangolin mula sa isang Taiwanese national sa Barangay Milagrosa, Puerto Princesa.

Kinilala ang suspek na si William Lee, 32-anyos, negosyante at residente ng Barangay Milagrosa.

Ayon sa operatiba, mismong tauhan ni Lee sa seafood business nito ang nagsumbong tungkol sa iligal na gawain.

Sa inisyal na imbestigasyon, ibabyahe sana patungo sa daungan ng Barangay Liminangcong Taytay, Palawan ang mga pangolin para mailuwas sa ibang bansa.

ADVERTISEMENT

“Ayon sa asset, isinasabay niya sa existing business niya ‘yung pagbebenta ng pangolin. Weekly daw ang transaksyon then sa Liminangcong sini-ship,” ayon kay Police Senior Inspector Mark Allen Palacio.

Magsasagawa naman ng mas malalim na imbestigasyon ang pulisya kasama ang Palawan Council for Sustainable Development kung paano nagagamit ni Lee ang lehitimong seafood business nito sa iligal na gawain.

Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Section 27 ng Republic Act 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

Ayon sa International Union for Conservation of Nature (IUCN), ang mga pangolin ang tinaguriang world’s most trafficked mammal.

Talamak ang illegal trade ng pangolin sa buong mundo dahil kinakain ito at ginagawang traditional medicine. Critically endangered na ang status nito o malapit nang maubos sa kalikasan.

Samantala, isa pang pangolin ang natagpuan namang buhay sa isang residential compound sa Barangay Tagburos noong ika-14 ng Abril.

“Mga 1:53 a.m. nang makita namin siya dito," kwento ni Khristine Danielle Canilla, isang residente sa lugar.

Natuwa naman ang mga bata sa lugar dahil iyon ang unang beses na nakakita sila ng balintong.

Ang pangolin ay may malalaki at makakapal na kaliskis na ayon sa IUCN, nagsisilbi itong proteksiyon sa mga predators o mga hayop na gusting kumain sa kanila.

Bukod sa anay, paboritong pagkain rin nito ang mga langgam. Rumurolyo o bumabalintong ito kapag natatakot o kapag inaatake ng ibang hayop. Sila rin ay mas aktibo sa gabi.

Sa datos ng IUCN Pangolin Specialist Group, may limang balintong ang hinuhuli sa natural na tahanan nito kada limang minuto.

Nakipag-ugnayan naman ang mga residente sa Palawan Wildlife Rescue and Conservation Center para maligtas ang mga balintong.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.