Relief goods hatid ng Makati police sa mga pamilyang walang hanapbuhay

ABS-CBN News

Posted at Apr 16 2020 05:38 PM

Inilunsad ng Makati police ang isang programa kung saan nagbibigay sila ng pang-araw-araw na pagkain at iba pang tulong sa mga napiling pamilya na hindi makapaghanapbuhay ngayong may umiiral na enhanced community quarantine.

Ayon kay Col. Rogelio Simon, hepe ng Makati police, Abril 9 nang simulan nila ang "Adopt an Indigent Family Program" na tutulong sa mga pamilyang hindi nakalista para matulungan ng gobyerno o maituturing na informal settlers.

Ito ay para maiwasan na rin ang paglabas ng mga matutulungang pamilya mula sa kanilang mga bahay.

Anim na pamilya ang araw-araw nakatatanggap ng 3 kilong bigas, 5 de-lata at diapers para sa mga bata. Galing umano ito sa ambagan ng mga pulis.

Kapag may sobrang relief goods, ipinamimigay umano ito sa mga nadadaanang nangangailangan.

Ipagpapatuloy ng Makati police ang programa habang umiiral ang enhanced community quarantine.

Inaasahang matatapos ang Luzon-wide lockdown, na ipinatupad para mapabagal ang pagkalat ng coronavirus disease (COVID-19), sa Abril 30.

-- Ulat ni Jerome Lantin, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.