'Pirmahan ng EO vs endo, wala sa iskedyul' | ABS-CBN

ABS-CBN Ball 2025:
|

ADVERTISEMENT

ABS-CBN Ball 2025:
|
dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

'Pirmahan ng EO vs endo, wala sa iskedyul'

'Pirmahan ng EO vs endo, wala sa iskedyul'

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 16, 2018 08:21 PM PHT

Clipboard

Wala sa iskedyul ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes na makipagpulong sa grupo ng mga manggagawa at pumirma sa isang executive order (EO) na magwawakas sa "endo" o sistemang end-of-contract, ayon sa Malacañang.

Unang sinabi ng grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na makikipagpulong sila sa Palasyo ngayong Lunes para matunghayan ang pagpirma ng pangulo sa EO.

Pero ayon kay presidential spokesperson Harry Roque, wala sa kaniyang iskedyul ang nasabing pulong.

"I was looking at my own calendar, I did not find it in my own calendar," sabi ni Roque sa isang press briefing.

ADVERTISEMENT

"Unless the meeting was denominated as a private meeting, which it should not be," dagdag ng tagapagsalita.

Ayon kay Roque, posibleng hindi pa napagkakasunduan ng mga sangkot na partido ang bersiyon ng EO.

"I can only surmise that the final version of the EO has not been agreed upon by both labor, management, and government. It's a tripartite document which has to be agreed upon," aniya.

Pero naniniwala si Roque na posible itong mapirmahan sa mismong araw o bago pumatak ang Mayo 1, kung kailan ipinagdiriwang ang Labor Day o Araw ng mga Manggagawa.

Watch more in iWantv or TFC.tv

DISMAYADO

Samantala, dahil sa hindi natuloy na inaasahang pirmahan, sumugod ang ilang labor group sa tanggapan ng Department of Labor and Employment (DOLE) para ipahayag ang kanilang pagkadismaya.

"Kaming mga manggagawa, mag-iisang dekada na, hanggang ngayon contractual pa rin kami," sabi ni Samahan ng mga Manggagawa sa Harbor Centre president Eldefonso Bello.

Ayon naman kay Labor Secretary Silvestre Bello III, pinag-aaralan din ng gobyerno kung mas mabuting hindi na lang maglabas ng EO, lalo at gumugulong na rin sa Kongreso ang Security of Tenure Bill na hindi rin umano nalalayo sa nilalaman ng EO.

Hindi kasi umano magkasundo ang mga labor group at employer.

"Mayroon kaming draft, may draft din ang labor (groups). Hindi masyadong magkatugma so mayroon nang napili ang presidente na instead of coming up with an executive order, they opted to consider the possibility of certifying the bill," ani Bello sa panayam.

Sa draft EO ng labor groups, may mga linyang nagdidiin sa regulasyon na dapat ay direktang hina-hire ng mga principal employer ang kanilang mga empleyado sa halip na idaan sa mga manpower agency.

Nais din ng mga labor group na malinaw na ilista ang mga trabaho na regular at pang-kontraktuwal.

Sinabi naman ni Employer's Confederation of the Philippines (ECOP) president Donald Dee, nasa batas ang karapatan ng mga kompanya na mag-hire o magtanggal ng empleyado basta may basehan at tamang proseso.

Pero para kay ALU-TUCP spokesperson Alan Tanjusay, posibleng magbunga ng malabnaw na batas ang Security of Tenure Bill kung hindi sasabayan ng EO ng pangulo.

"Hinihintay ng bicameral committee sa Senado 'yong signal ni Pangulong Duterte kung ano ang direksiyon ng administrasyong ito," ani Tanjusay.

CAMPAIGN PROMISE

Isa sa mga pangako ni Duterte noong kaniyang kampanya ay ang wakasan ang kontraktuwalisasyon, na tinawag niyang "injustice" o hindi makatarungan.

Endo at contractualization ang tawag sa paulit-ulit na pagsailalim sa mga manggagawa sa iilang buwang kontrata lamang sa trabaho nang sa gayo'y hindi sila maging regular at magkaroon ng benepisyong ibinibigay sa regular na manggagawa gaya ng healthcare.

Sa ilalim ng labor laws, dapat ay mabigyan ng regular na estado sa trabaho ang isang manggagawa matapos ang anim na buwan.

Ilang buwan ding nakipagpulong ang DOLE sa mga grupo ng mga employer at manggagawa para bumalangkas ng mga patakarang gagabay sa pangulo para matupad ang pangakong wakasan ang "endo."

Sa pagpasok ng Abril, ipinag-utos ng DOLE sa Jollibee Foods Corp. na gawing regular ang libo-libong mga empleyado nito.

Nasa 1.3 milyong manggagawa ang nasa "non-regular positions" o hindi regular, ayon sa survey ng Philippine Statistics Authority noong 2016.

Sa halip, inilarawan ang estado ng non-regular workers bilang kontraktuwal, project-based, probationary, casual, o seasonal workers. Higit kalahati mula sa 1.3 milyon ay kontraktuwal, ayon sa survey.

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.