PatrolPH

Mga mangingisda sa West PH Sea ibinahagi ang kalbaryong idinulot ng China

ABS-CBN News

Posted at Apr 13 2021 08:12 PM | Updated as of Apr 14 2021 08:48 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA — Nagkuwento ang ilang mangingisda ng West Philippine Sea kung gaano kalaki ang epekto sa buhay nila ng presensiya at pananaboy sa kanila ng mga barko ng China.

Sa Sabina Shoal, 99 milya mula sa mainland Palawan, sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas, namalagi pansamantala ang ilang mangingisdang Pinoy. 

Pero kahit EEZ iyon ng Pilipinas, karamihan sa mga nakasalubong nilang bangka ay malalaking lantsa ng China.

Sa Southern Banks, isang bangkang Pilipino ang nagkuwento ukol sa kanilang paghahanapbuhay. Isang grupo sila ng mga nangangawil at ang huli nila ay agad nilang dinadaing. 

Hindi sila puwedeng mag-uwi ng sariwang huli dahil buwan ang binibilang nila bago umuwi sa pantalan.

"Sobra na isang buwan po... Ganu'n po. Abutin pa po ng mga 75 days," ani Nardin Salih, mangingisda, nang tanungin kung pang-ilang araw na nila sa karagatan ngayon. 

Pero hindi daw dating ganito ang buhay nila.

Kuwento ni Salih, noong nakakapunta pa ang mga Pilipino sa Union banks, kung nasaan ang Julian Felipe reef, dalawang linggo lang ay napupuno na nila ng huli ang bangka.

Pero may 10 taon na raw mula nung huling pumunta roon sina Salih dahil alam nila ang dadatnan nila sa lugar.

"Kasi 'yung mga China kasi maano. Nag-aano sila ng mga tao. Kung may nagpunta doon na mga ibang [lahi], tinataboy nila... Siyempre ma'am, natatakot din... Alis na lang, dito na lang kami, paikot-ikot," ani Salih.

Sa tagal nila sa laot, hindi na nabalitaan nina Salih ang dumog ng mga barko ng Tsina na lalo nang dumami sa Union banks. 

Hindi na rin nila nakita ang itsura ng mga isla ng Tsina na nasa paligid din doon.

Pero sana, ayon sa kanya, isang araw, makabalik sila.

"Hiling lang namin 'yung kung puwede lang sana makapasok doon. Kagaya ng dati. 'Yun ang hiling namin. Wala naman kaming ibang hiling... Pero kung talagang hindi kami makapunta, wala kaming magawa," ani Salih. 

Bago maghiwalay ang bangka nila Salih, binulungan ng kapitan ng kabilang bangka ang batang miyembro ng grupong nangangawil sakay ng bangka ni Salih.

Siya si Alnastraf, 21 anyos. Inihatid sa kaniya ang masamang balita na pumanaw ang nanay niya.

Nagpaalam si Alnastraf kung puwedeng lumipat sa kabilang bangka para siya makauwi dahil kung hindi ay buwan pa ang bibilangin bago siya makapagluksa.

Ni hindi na siya nag-empake, agad nang sumampa.

Habang tinatanaw niya ang bangka niyang papalayo, tahimik na siyang lumuha.

—Ulat ni Chiara Zambrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.