Tricycle, motorsiklo nagsalpukan sa Camarines Norte, 6 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2021 06:23 PM

SAN VICENTE, Camarines Norte — Anim ang sugatan sa salpukan ng motorsiklo at tricycle sa Purok-4, Barangay Calabagas sa bayan na ito noong Huwebes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng pulisya, papunta sa poblacion ng San Vicente ang menor de edad na driver ng motorsiklo at angkas nito dahil inutusan umano ng magulang.

Ang tricycle naman na minamaneho ng 33 anyos na babae, maghahatid sana ng tindang kahon-kahong suka sa mga bayan ng Paracale at Jose Panganiban.

Sa lakas ng salpukan, bumaliktad ang tricycle, kaya bukod sa nabasag ang ilang bote ng suka, nagtamo ng mga sugat sa katawan ang 3 pang sakay nito, kabilang na ang isang batang babae edad 4.

Dinala sa rural health unit ang mga sugatan na nasa maayos nang lagay ngayon.

Ayon sa pulisya, ang nakamotorsiklong menor de edad ang sanhi ng aksidente. 

Hindi na magsasampa ng kaso ang mga biktima dahil nangako ang pamilya ng nakabangga na sasagutin ang gastos nila sa pagpapagamot. 

—Ulat ni Jonathan Magistrado

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.