Dating road manager ni Darren Espanto, patay sa pananaksak

Trisha Mostoles, ABS-CBN News

Posted at Apr 09 2019 04:08 PM | Updated as of Apr 09 2019 10:58 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Darren Espanto (@darrenespanto) on

MABALACAT CITY, Pampanga (UPDATE) – Patay ang dating road manager ng Kapamilya singer na si Darren Espanto at kaibigan nito sa pananaksak, Lunes ng umaga.

Ayon sa ulat, lumuwas ng Pampanga ang magkaibigang sina Karwin Guevarra at Carmencita Pelayo upang kitain ang isa nilang kaibigang si alyas 'Regine' na itinuturing na suspek.

Si Pelayo ang dating road manager ni Espanto.

Watch more in iWant or TFC.tv

“May kukunin silang pera. Bali yung bank account nung dalawa doon ipapasok yung pera, ‘yun yung sinabi ng asawa ko,” ayon kay Mark John Hernandez, asawa ni Pelayo.

Sa mismong bahay ni Guevarra sa Barangay Tabun natagpuan ang mga bangkay ng magkaibigan na tadtad ng saksak at may hampas pa sa ulo.

Buhay naman ang kaibigang si 'Regine.'

“Ang una niyang kwento sa imbestigador, siya raw ay pinalo ng unidentified suspect na-unconscious siya. Nagtulog-tulugan. Pagkagising niya ganun na nangyari. Paniwala ng imbestigador, inconsistent yung ibinigay niyang information. May mga nakitang galos sa kaniyang katawan, sa kaniyang mga kamay, sa kaniyang mga paa, parang self-inflicted,” pahayag ni Police Staff Sergeant, Roldan Tababa.

Ayon sa mga magulang ng mga biktima, matagal nang magkakaibigan ang tatlo. May pagkakautang umano si 'Regine' sa dalawa, bagay na tinitingnan ng mga pulis bilang anggulo sa pagpatay.

“Tingnan niyo ‘yan, kalakas. Kung may saksak ‘yan makakalakad ng ganyan? ‘Yung anak namin ‘di mo matitingnan talaga,” sabi ng ama ni Pelayo na si Leonardo Sr. 

Itinuturing naman ng mga pulis na suspek sa pagpatay si 'Regine' at inihahanda na ang pagsasampa ng kasong double murder laban sa kaniya.

'NANGINGINIG AKO HANGGANG NGAYON'

Ibinuhos naman ni Espanto sa social media ang kaniyang pagkabigla sa sinapit ng kaniyang "Ate Karen."

"I still couldn’t believe the news of your passing, ate Karen. Nanginginig ako hanggang ngayon kasi 'di ako makapaniwala sa nabalitaan ko. Actually, ayaw ko maniwala sa totoo lang. Sobra kasing masakit. Napakabuti mong tao," sabi ni Espanto sa kaniyang Instagram post.

Sa naturang post ni Espanto, makikita ang masasaya nilang larawan ni Pelayo noong magkasama pa sila.

Para kay Espanto, higit pa bilang road manager ang naging turingan nila. 

"You are family to us... You will forever be my “Ate Karen.” I will keep all the memories that we had through the good times and the bad and I will always remember the things you’ve taught me in the past. I love you so much and I’ll keep you close to me heart always," sabi ng binata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.