PatrolPH

1 patay, 1 arestado sa magkahiwalay na drug bust sa Davao Region

ABS-CBN News

Posted at Apr 03 2021 01:02 PM

1 patay, 1 arestado sa magkahiwalay na drug bust sa Davao Region 1
Nakatunog umano ang target ng operasyon na pulis ang kaniyang katransaksiyon kaya nagpaputok ito ng baril. Nagawang makaganti ng pulis at nabaril ang suspek. Binawian ito ng buhay sa ospital. Larawan mula sa Bansalan Municipal Police Station

Patay ang isang hinihinalang drug suspek habang arestado naman ang isa pa sa magkahiwalay na buy-bust operation sa Davao del Sur at Davao de Oro nitong Biyernes.

Nakilala ang nasawi na si Eduardo Catada Dugho Jr., 39 anyos, na nakipagbarilan umano sa pulis sa bayan ng Bansalan sa Davao del Sur, Biyernes ng hapon.
 
Ayon kay Police Maj. Peter Glenn Ipong, hepe ng Bansalan Police, nagkasa sila ng joint buy-bust operation kasama ang Provincial Drug Enforcement Unit, Regional Intelligence Unit, Criminal Investigation and Detection Group at Philippine Drug Enforcement Agency laban kay Dugho Jr. na nasa watchlist ng pulis at matagal nang minamanmanan ng awtoridad.

Pero nakatunog umano ito na pulis ang katransakiyon kaya biglang bumunot at nagpaputok ng baril.

Hindi napuruhan ang pulls dahil naka-bulletproof vest ito kaya nagawa nitong barilin ang suspek.

Dinala sa ospital ang suspek pero hindi rin nagtagal at namatay.

Nakuha mula sa suspek ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang aabot sa P34,000 ang halaga, drug paraphernalia, pera na ginamit sa operasyon, at ang motorsiklong ginamit ng suspek sa ilegal na transaksyon.

Sa Davao de Oro, arestado ang isang 24 anyos na babae kung saan nasamsam sa kaniya ang P811,000 halaga ng hinihinalang shabu sa buy-bust operation sa Purok 3, Lauan Street, sa bayan ng Maco sa Davao de Oro, Biyernes ng gabi.

Ayon kay Police Maj. Marvin Hugos, halos buong araw nilang minanmanan ang suspek hanggang sa pumayag itong magbenta sa nagpanggap na buyer.

Bukod sa isang sachet ng hinihinalang shabu na nabili sa kanya, nakumpiska rin mula sa suspek ang siyam na sachet na aabot sa 50.71 grams ang timbang at nagkakahalaga ng P811,000.

Inaalam pa ng mga pulis kung sino-sino ang kasabwat ng suspek.

Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek.

- Ulat ni Francis Magbanua

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.