PatrolPH

Ordinansa ng Maynila laban sa paninigarilyo, aprubado na

Dennis Datu, DZMM

Posted at Apr 03 2017 11:17 AM

Ordinansa ng Maynila laban sa paninigarilyo, aprubado na 1

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Sangguniang Panglungsod ang bagong anti-smoking ordinance ng Maynila.

Palalakasin ng Ordinance 7812 o Smoke-Free Ordinance ang Anti-Smoking Ordinance 7748 na ipinapatupad simula pa noong 1991.

Ayon sa may akda ng bagong ordinansa na si Councilor Casimiro Sison, bawal na ang paninigarilyo sa lahat ng pampublikong lugar na ginagamit, pagmamay-ari o kontrolado ng Manila city government.

Kabilang anya dito ang mga pampublikong plaza, palengke, ospital at eskwelahan.

Ipinagbabawal na rin ang paninigarilyo 100 metro ang layo mula sa mga nabanggit na lugar.

Ipinaalala rin ni Sison na bawal ang paninigarilyo sa mga pampublikong sasakyan dahil may umiiral na pambansang batas laban dito.

Ang sinumang lalabag sa bagong ordinansa ay papatawan ng multang P2,000 at 1 araw na pagkakakulong sa unang paglabag; P3,000 multa at 2 araw na kulong sa ikalawang paglabag; at P5,000 multa at 3 araw na kulong sa ikatlong paglabag.

Sa lumang ordinansa, P300 lamang ang multa at hanggang 2 araw lamang ang kulong.

Kasama rin sa bagong anti-smoking ordinance ang pagbabawal sa possession ng anumang tobacco product, kabilang ang electronic cigarette gadget na vape.

Maglalagay naman ng smoking area sa labas ng mga gusali na pagmamay-ari ng gobyerno.

Hindi dapat bababa sa 10 metro ang layo ng smoking areas sa dinadaanan ng mga tao. Magpapaskil dito ng mga karatulang nagbabawal sa pananatili ng mga menor de edad at mga graphic health warning signs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.