Higit 700 bikers, lumahok sa ‘Bisikleta Iglesia’ sa Naga

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Apr 02 2021 08:59 AM

Higit 700 bikers ang lumahok sa “Bisikleta Iglesia” sa Naga City. Photos courtesy of Boboy Hernandez, Naga City Bicycle Board

NAGA CITY, Camarines Sur—Hindi nagpatinag sa banta ng COVID-19 ang nasa 718 bikers na sumali sa ika-2 taon ng Bisikleta Iglesia ng pamahalaang panlungsod, umaga ng Abril 1.

Bukod sa mga Naguenyong siklista, maraming bikers mula sa mga karatig-lugar gaya ng Pili, Gainza, Minalabac, Bula, Nabua at Iriga City ang nakiisa sa aktibidad na tinawag din na “pedal sa pagkamoot” o pedal in love.

Noong 2019, nasa 100 bikers lamang ang sumama sa unang Bisikleta Iglesia, kaya ikinagulat ng Naga City Bicycle Board na mahigit sa triple nito ang sumali ngayong taon.

Posible umanong epekto ito ng muling pagbabawal sa nakaugalian na ng mga deboto tuwing Huwebes at Biyernes Santo, na pagaalay-lakad mula sa Naga patungong Kapilya ng Amang Hinulid o ang Sto. Entierro sa Calabanga, Camarines Sur.

Ayon kay Naga City Bicycle Board (NCBB) coordinator Boboy Hernandez, bukod sa may lead car na tiniyak ang physical distancing ng mga biker, limitado ang pinayagang pumasok sa binisitang 14 na simbahan.

“Lahat sila nakapasok sa simbahan dahil ang ginawa namin, kayo naman, kayo naman sa sunod na istasyon . . . Sila naman ang papasok tapos magbabasa ng gospel,” ani Hernandez.

Sa kapilya ng Palacio de Caceres sila huling tumungo, kung saan sinalubong at binasbasan sila ni Archbishop Rolando Tirona na ehersisyo rin ang pagbibisikleta. 

Ayon sa LGU-Naga, may ilan itong mga programa para sa mga biker ngayong taon tulad ng pagsasaayos sa bicycle lanes, parkings, repair stations at bicycle hubs na rest area ng bikers.

Ang programang Bisikleta sa Pag-unlad, patuloy umanong magbibigay ng ayuda sa mga manggagawang Naguenyo na hirap sa pag-commute ngayong panahon ng pandemya.

“Maghahanap ng recipient na kailangan ang bisikleta sa paghanapbuhay. Let’s say nagtatrabaho siya as construction worker na nagsasakay siya, pinu-provide namin yung bisikleta para hindi na siya magpara-spend ng pamasahe baga,” paliwanag ni Hernandez.

Nasa 25-kilometrong distansiya ang pinadyak ng mga siklista na halos inabot na ng tanghali.

Maki-credit ito sa “500-Km for 500 Years Virtual Bike Challenge” na pakikiisa ng Archdiocese of Caceres sa ika-limangdaang taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.