Catholic devotees na nasa NCR Bubble nagdasal sa labas ng ilang simbahan habang ECQ | ABS-CBN

ADVERTISEMENT

dpo-dps-seal
Welcome, Kapamilya! We use cookies to improve your browsing experience. Continuing to use this site means you agree to our use of cookies. Tell me more!

Catholic devotees na nasa NCR Bubble nagdasal sa labas ng ilang simbahan habang ECQ

Catholic devotees na nasa NCR Bubble nagdasal sa labas ng ilang simbahan habang ECQ

ABS-CBN News

 | 

Updated Apr 01, 2021 12:27 AM PHT

Clipboard

Nagdasal sa labas ng Baclaran Church ang ilang deboto ngayong Baclaran Day. Suspendido ang mga misa sa NCR Bubble dahil sa enhanced community quarantine na ipinapatupad sa lugar. Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

MAYNILA - May pandemya man o wala, basta Miyerkoles ay nasa Baclaran Church ang 60 anyos na si Zenaida Soriano para manalangin.

Walang pinagkaiba ang kaniyang pagpunta kahit sarado ang gate ng simbahan dahil sa lockdown.

Nurse si Soriano sa AFP General Hospital kaya ang pagtatapos ng pandemya ang unang-una sa kaniyang mga dasal.

“Unang-una itong case natin ng pandemic. Sana ma-stop na natin ito. Tapos siyempre sa family, sa health,” ani Soriano.

ADVERTISEMENT

“Sana kahit hindi tayo nakakapasok ngayon sa simbahan, kahit saan tayo, pwede naman tayo magkaroon ng reflection di ba. So continuous mag-pray lang tayo para sa kabutihan ng lahat, ng safety ng lahat,” dagdag niya.

Isa si Soriano sa mga debotong sumaglit sa Baclaran bago pumasok o pagkauwi mula trabaho nang madaling araw.

Ngayong nasa ilalim muli ng enhanced community quarantine ang Metro Manila, bawal dumalo sa mga misa at mga pagtitipon sa mga simbahan ngayong Semana Santa.

Pero para sa mga deboto, hindi mapipigilan ang pagpunta nila.

“Para kahit papano, makapasyal sa Mahal na Birhen ng Baclaran, kahit di kayo makakapagkumpisal, makakapagkumpisal tayo sa Kanya. Okay lang as long as nakikita natin siya, nakikita natin ‘yong tahanan niya. Bisita Iglesya kumbaga,” ayon sa debotong si Emmanuel Sacobos.

Hindi rin tumatagal ang mga nagdarasal at umaalis din makalipas ang ilang minuto.

Sinisiguro ring hindi dumarami ang mga nasa labas ng gate.

Sinabi ng tagapamahala sa Baclaran Church na magbubukas din ang kanilang pinto para sa mga deboto na mananalangin sa piling mga oras ngayong Holy Wednesday.

Bukas din ang simbahan sa Huwebes Santo nang maghapon, at sa umaga at sa gabi ng Biyernes Santo.

Ganito rin ang naging sitwasyon sa Antipolo Cathedral, kung saan dumalo ang ilan para magdasal.

Kanselado sa pangalawang pagkakataon ang taunang alay-lakad, kaya apektado ang kabuhayan ng mga nagtitinda roon.

Umaasa sila na ito na ang huling Semana Santa na naka-lockdown para makabalik na muli ang mga deboto sa cathedral.

Sabi ng healing priest na si Fr. Joey Faller, maaari pa ring mapanatili ang koneksiyon sa Simbahan sa pamamagitan ng mga naka-livestream na aktibidad gaya ng pagrorosaryo at stations of the cross.

Puwede ring ipagpatuloy sa tahanan ang mga nakasanayang gawaing ispirituwal at huwag kalilimutan ang pagsasakripisyo, tulad ng pag-aayuno sa pagkain o kaya paghihinay muna sa panonood ng mga palabas o pagbabad sa social media.

“Maganda siguro pag-isipan natin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon. Mahal tayo ng Diyos at inialay ang kaniyang sarili para sa ating kaligtasan,” ani Faller.

“Even though we are suffering, sabi nga ay may katapat na biyaya at lilipas din iyan. Tatapos din ‘yan, sa salitang Lucban, mauumay din 'yang COVID-19 na ‘yan at hindi tayo maigugupo nito dahil Pilipino tayo: pili na, pino pa. We are chosen to be refined, chosen to be purified,” dagdag niya.

Paalala pa ni Faller, hindi nagtatapos sa Biyernes Santo ang paggunita sa sakripisyo ni Hesukristo. Dahil matapos niyang mamatay para sa tao ay nabuhay Siya muli.

-- Ulat nina Jervis Manahan at Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

ADVERTISEMENT

ADVERTISEMENT

It looks like you’re using an ad blocker

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.

Our website is made possible by displaying online advertisements to our visitors. Please consider supporting us by disabling your ad blocker on our website.